ANG TELENOBELANG BUHAY NI MIGS SAN JUAN

ni

ANTONIO A. HIDALGO


Sa loob ng hardin sa tabi ng isang tindahang sari-sari sa bukana ng subdibisiyon na Green Land sa Cainta, may dalawang lalaking nag-iinuman. Nakaupo sila sa mga puting silyang monobloc at ang kanilang mga beer at pulutan ay nakahain sa maliit na mesang bilog. Tumayo ang nakakatanda sa dalawa, si Mang Doming, at sinindihan ang bombilyang nakasabit sa ibabaw ng punong narra sa tabi ng mesa upang ilawan ang nananaog na takipsilim.

Pagbalik ni Doming sa upuan niya, nagsalita ang kainuman niyang si Jun: “O, Mang Doming, ubusin na natin ito at lalakad na ako.”
“Bakit naman?” ‘ika ni Doming. “Nag-iisa ako rito dahil umuwi si Misis sa Atimonan. Sabado ng gabi ngayon. Malulungkot ako kapag lumisan ka. Saan ka ba paparoon?”

“Sa totoo lang, Mang Doming, manonood ako ng telenobela ni Thalia sa bahay. Lokong-loko ako sa telenobelang ‘Marimar’ at aabutan ko pa kung aalis ako ngayon. Delikado ang kalagayan ng pagmamahalan ni Marimar at Sergio, at kailangan kong malaman kung anong nangyari sa kanila.”

“Hayaan mo na ‘yan, Jun,” ang sagot ni Doming. “Guniguni lang ang kuwento ni Marimar. Ganito na lang, manatili ka rito at kukuwentuhan kita ng isang kabigha-bighaning telenobela tungkol sa buhay ni Migs San Juan, ang kristo ko sa sabong at kaibigan kong matalik. Maniwala ka sa akin, mamumutla ang buhay ni Marimar sa utak mo pagkatapos mong marinig ang aking kuwento. At tunay na buhay ang isasalaysay ko sa iyo.”
Natawa si Jun. “Okey na, Mang Doming, suko na ako. Talagang lonely ka yata ngayon. Sige, mag-inuman na tayo at ihanay mo na ang mga beer sa mesa.”

“Hindi, pareng Jun. Hindi ko na kayang sumabay sa iyo sa pabagsakan,” sabi ni Doming. “Uminom ka at ako’y magkukuwento para maaliw tayong pareho.”

Tumayo si Doming at nagpunta sa kusina. Kumuha siya ng apat na malamig na beer at nagbukas siya ng isang de-latang cuttlefish at inihain ito sa plato. Dinala niyang lahat ito sa mesa.

“Umpisahan natin ang unang yugto ng telenobelang buhay ni Miguel San Juan, pare,” ‘ika ni Doming. “Kilala mo siguro si Migs. Siya ang kristo ko sa sabungan, pag nagtatrabesiya ako. Siya rin ang tagapag-ulot at tagapagbitiw ko ng mga panabong pag naglalaban ako ng manok. Paminsan-minsan, iniuuwi ko siya rito pagkatapos ng sabong at nag-iinuman din kami.”

“Namumukhaan ko siya,” sabi ni Jun. “Mestisuhin siya, hindi ba? Mga treinta’y singko lang siya, ano?”

“Mahigit kuwarenta’y singko na si Migs. Mukhang bata lang siya dahil walang ginawa sa buong buhay kundi magsabong. May anak nga siyang beinte-kuwatro na, e. Subalit nauuna ako sa aking kuwento. Simulan natin, siyempre – sa unang yugto ng telenobela.”

TANDANG-TANDA KO PA NOONG UNA KONG NAKILALA SI MIGS. Nagsisimula pa lamang ako sa sabong noon. Nakatira ako sa tiyuhin ko sa Tiriguhan Street, isang eskinita sa kanan ng Calle A. Bonifacio sa Marikina kung galing ka sa munisipyo. Tumira muna ako rito upang mapalapit ako sa PSBA sa Aurora Boulevard, kung saan ko tinatapos ang aking pag-aaral ng pangangalakal. Halos tatlumpung taong gulang na ako noon, subalit hindi pa ako tapos sa kolehiyo dahil nanggaling lang naman ako sa mahirap. Nag-ipon muna ako ng pangmatrikula sa pamamagitan ng pagtanggap ng sarisaring trabaho at pagbibili’t pagbebenta ng iba’t ibang bagay.

Kumita ako nang kaunti sa pagbili’t pagbenta ng mga bakal kaya nagtungo ako sa sabungan sa tabi ng tulay sa ibayo ng Ilog ng Marikina. Naglakad lang ako mula sa tinitirhan ko. Umakyat ako sa pangalawang palapag ng sabungan, para mahiwalay ako sa mga batikang tahur na malalakas tumaya na nakaupo sa unang grado. Maaliwalas sa itaas dahil bukas ang mga bintana at malakas ang ihip ng hangin galing sa ilog. Maganda pati ang bista roon at kitang-kita ko ang mga nagsasalpukan na mga tinali. ‘Yun nga lang, nakatayo kaming lahat sa itaas.

Wala pa akong tiwala noon sa kaalaman ko sa trabesiya, kaya naghanap ako ng kristo upang ipagtaya niya ako. Nakita ko si Migs at pinili ko siya dahil siya’y guwapong mestisuhin, mukhang mabait at palaging nakangiti, at maliit siya sa akin at kaya ko siyang gulpihin kung lolokohin niya ako.

“Pare,” ‘ika ko kay Migs, “itaya mo nga ako ng dos sientos kuwarenta sa dehado.”

Noong panahon na iyon, malaki-laki pa ang halaga ng sandaang piso. Kaya hindi naman masyadong maliit ang taya kong ‘yon.
Itinaya ni Migs at nanalo ang dehado. Maya-maya, inientrega niya sa akin ang tatlong daan. Binigyan ko siya ng isang medyo mabalasik na tingin at sabi ko: “Teka muna, pare. Hindi ba sa logro-onse ka nakasahod? Di tres sientos treinta dapat ang ientrega mo.”

Hindi naman nagmatigas si Migs. Ngumiti lamang siya at ang sagot niya’y: “Oo nga pala, boss. Sorry, ha. Nakalimutan ko lang at madami akong kliyente ngayon.”

Nagustuhan ko ang kanyang sagot, kaya niyaya ko muna siyang uminom ng serbesa sa isang restawran sa ibaba ng sabungan. Nakaubos kami ng tiglimang bote at sa kuwentuhang iyon nagsimula ang aming pagsasamang panghabangbuhay.

Napadalas ang pasyal ko sa sabungan at utay-utay kong nakilatis ang pagkatao ni Migs. Kahit na tinedyer pa siya noon, magaling na siyang magsabong. Maliban sa pagkikristo, bihasa rin siyang pumili ng mga mahusay na sasabungin na ibinebenta ng mga magbabayong galing Batangas. Kinatatakutan siya sa ulutan dahil sa talas ng kanyang mga mata at dahil sa kagulangan niya sa laban. Marunong din siyang mag-alaga at magkundisyon ng manok. At nag-aaral na rin siyang magtari noon. Halos nakatira kasi sa ibayo si Migs, e, dahil wala pa naman siyang asawa at sinusustentuhan pa siya ng kanyang mga magulang.

Ilang taon din kaming naglibang tuwing linggo sa ibayo. Lalo na nang makatapos na ako ng kolehiyo at marahan kong napaunlad ang mga negosyo namin ng aking Misis. Naglaban din kami ng mga manok noon. Si Migs ang namili, nag-alaga at naglaban ng mga ito – at ako’y kapitalista lang.

Madalas naman kaming manalo at, siyempre, madalas kaming mag-inuman, kapag nanalo. ‘Yun nga lang, madalas din kaming matalo dahil alam mo naman ‘yang sugal – walang sigurado riyan. At tuwing matatalo kami’y masakit, dahil, aywan ko ba, kung kailan ako medyo gipit sa pera’y roon kami parating matatalo. Bakit ba ganoon?

Nakaraos naman ako sa sabong noong mga taon na iyon na hindi napilayan ang bulsa. Hindi naman sa pagyayabang, masipag ako dahil sa ako’y may pamilya na noon, at lintik naman ang kayod na pinuhunan ko sa aming mga negosyo. Nagsimula kaming mag-asawa na gumawa ng matamis sa bao mula sa niyugan ng pamilya ni Misis sa bayan namin sa Atimonan. Nakahanap din kami ng paraan na iluwas ito sa mga Filipino sa West Coast sa Amerika. Unti-unti kaming nagpundar para sa aming pamilya.

Si Migs naman ay hindi na nagtapos ng hayiskul man lang. Wala raw siyang hilig mag-aral at ang gusto niya’y magsabong lang. Madalas siyang pagalitan ng kanyang ina at, paminsan-minsan, maglalayas siya at makikitira sa amin sa aming unang munting bahay sa Parang sa Marikina. Tuwing mangyayari 'yon, susubukan ko ring pangaralan si Migs dahil hindi naman nasisiyahan si Misis na may nakikitira sa aming maliit na tahanan. Subalit mahirap pangaralan si Migs. Hindi siya lumalaban at ang kalooban niya’y mabait, pero hindi rin puwedeng abutin ang kanyang utak o damdamin. Kunwari, makikinig siya sa akin, ngingiti, at mamaya ay magkukuwento na tungkol sa panabong.

Apat na taon na kaming nagsasabong ni Migs, nang i-etsapuwera siya ng tatay niya sa kanilang bahay. Sa pagkakuwento ni Migs sa akin, hinintay siya ng tatay niya isang gabi. Katatapos lang ng sabong at pagpasok ni Migs sa pintuan ng kanilang bahay, sinalubong siyang bigla ng kanyang tatay ng isang matinding right cross. Bumagsak siya dahil hindi siya handa. Habang nakahiga siya’t tinatakpan ng kanyang mga braso ang kanyang mukha, pinagsusuntok at pinagmumura siya ni Itay: “Putang-ina mo! Punung-puno na kami ng nanay mo sa iyo! Anong klaseng tao ka? Hindi ka makausap! Tungo ka lang nang tungo pag pinagagalitan ka ng nanay mo, pero hindi ka naman nagbabago! Ayaw mong mag-aral, ayaw mo namang magtrabaho – sugal ka lang nang sugal! Anong mangyayari sa buhay mo niyan? Matagal na akong nagtitimpi sa iyo, animal ka, subalit ngayon, pumutok na ang aking butsi! Wala naman kaming pagkukulang sa iyo. Nagsakripisyo kaming palakihin at pag-aralin ka. Pinakain ka namin at binigyan ka ng mga damit at tirahan. Ngayon ito lang ang ibabayad mo sa amin? Wala kang kuwentang anak – panganay ka pa naman! Mabuti pa ang kapatid mong babae at namasukan na sa trabaho. Ikaw, ano ang pakinabang namin sa iyo pagkatapos ng lahat ng sakripisyo namin? Mabuti pa’y lumayas ka rito ngayon din, at huwag ka nang babalik kailanpaman! Itinatakwil na kita! Hindi na kita kinikilalang anak!”

Pinabaunan pa raw siya ng isang huling suntok sa leeg para lang masigurong naintindihan niya na tapos na ang pagsasama nilang mag-ama’t mag-ina. Dumating si Migs sa bahay na pasa-pasa ang mukha.

Binigyan ko siya agad ng aspirina at serbesa at pinakinggan ko ang kanyang kuwento. Nagulat ako na hindi siya naiiyak – hindi man lang siya galit – habang isinasalaysay niya ang nangyari. Ganoon talaga si Migs – malalim at di halos maarok ang kanyang kalooban. Kinabukasan, niyaya pa niya akong magsabong, subalit tumanggi ako dahil sa trabaho.

Pagkatapos siyang palayasin sa bahay, ginawa na ni Migs na isang hanapbuhay ang kanyang pagsasabong. May beinte-uno o beinte-dos ang edad niya noon. Sumali siya sa samahan ng mga kristo sa Marikina Valley Cockpit. Nagsimula rin siyang maningil sa kanyang pagtatari, pag-uulot at pagbibitaw ng mga manok sa ruweda. Dumami ang kanyang mga parokyano at napansin ko na okey naman ang kabuhayan niya noon. Nag-iisa siya at wala naman siyang malaking gastos dahil nakikitira siya sa amin, at madalas siyang makikain.

Doon ako nag-umpisang mag-alaga ng mga tinali. Dahil nandoon si Migs at maluwag naman ang bakuran ko sa bahay, binigyan ko siya ng puhunan para mamili ng mga panabong. Gumawa siya ng mga kulungan at mga teepee, at bago pa makaangal si Misis, nagkaroon na kami ng maliit na manukan sa hardin. Mas masayang magsabong kapag may mga sariling manok. Lalong malalim ang kahulugan ng pagpanalo ng sariling manok kaysa manalo lamang ng kuwarta sa pagtaya sa manok ng ibang tao. Marami kaming gabi at serbesang naubos ni Migs sa kuwentuhan tungkol sa kagalingan ng aming mga sasabungin at, higit sa lahat, sa kadalubhasaan namin sa sabong.

Para kaming nasa paraiso ni Migs noong panahong iyon. Kung minsan, dalawa o tatlong beses kaming magsabong sa loob ng isang linggo. Ang problema lang, napansin ng Misis ko na kinukulang na ako ng sipag sa aking iba pang tungkulin. Noong una, sinubukan niyang madalas akong paalalahanan tungkol sa kailangang gawin sa mga hanapbuhay namin. Nang makita niyang hindi umuubra ito, gumawa siya ng isang malalang solusyon sa kanyang malubhang suliranin.

Biglang umuwi si Misis sa Atimonan at sa pagbalik niya’y kasama si Juanita, isang pamangkin niyang malayo mula sa angkan ng kanyang ina. Disiseis anyos pa lamang si Juanita at bagong salta mula sa probinsiya. Maganda siya bagama’t promding-promdi ang kanyang suot at wala siyang meykap. Maputi ang kanyang kutis, mababa siya at maliliit ang kanyang buto, ngunit matipuno ang kanyang katawan. Medyo kahawig ng kanyang pagkamestisahin ang bukas ng mukha ni Migs, dahil parehong pino at matangos ang kanilang mga ilong at may kalakihan at kabilugan ang kanilang mga mata. Parehong makapal at makintab ang kanilang mga buhok.

Sinabi ng Misis ko na kailangan na raw namin ang tulong ni Juanita at lumalaki na ang mga bata at umuunlad na rin ang negosyo ng matamis sa bao. Hindi ako umangal – papaano naman akong tututol, habang nakatira sa amin si Migs? Subalit kinutuban ako.

Tama nga ang kutob ko dahil hindi nakalipas ang anim na buwan nang ibulong sa akin ni Misis na buntis daw si Juanita at ang maysala’y si Migs.

Hinintay ko si Migs umuwi mula sa sabungan upang magtuos kami noong mismong gabing iyon. Umuulan noon, kaya sa salas ko siya inutusang umupo, at hindi sa mga upuan namin sa manukan sa labas. Ang sinabi ko sa kanya ay ganito: “Migs, matagal na rin tayong nagsasama at hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Malaki ang kasalanan mo sa akin at sa Misis ko. Pinagsamantalahan mo ang aming pamangkin, habang ikaw ay nakikitira’t nakikikain dito. Anong klaseng lalaki ka ba? Wala ka bang utang na loob? Menor de edad ‘yang si Juanita! Bakit mo naman sinaktan? Anong mangyayari sa kanya ngayon? Sinong magpapalaki ng anak ninyo? Hindi ka pa ba kontento sa kagandahang-loob na ipinakita namin sa iyo bilang isang bisita sa aming pamamahay? Bakit mo naman kami bibigyan ng problemang ganito? Makinig ka nang mabuti sa akin, Migs, dahil kaibigan kita. Kailangang panindigan mo ang pagkakasala mo kay Juanita! Nakataya ang pagsasama natin diyan!”

Kamukha ng dati niyang gawi, hindi siya nakipagdiskusyon sa akin. Ngumiti lang siya at ito ang sagot niya: “Sorry, sorry, Mang Doming. Hindi ko lang napigilan ang aking sarili dahil sa ganda ni Juanita. Okey naman kaming dalawa ni Juanita, Mang Doming. Nagkakaintidihan na kami. Hindi ko naman siya sinaktan. Siyempre, sasaluhin ko ang pamangkin ninyo. Never ko siyang pababayaan. Bakit ko naman gagawin sa inyong lahat ‘yon? Magpapakasal kami. Kung meron lang ako, e, di hinintay ko na sana ang kasal bago kami magmahalan. Wala lang ako, kasi, e, Mang Doming. Puwede ko ba kayong kumbidahin ni Misis na maging ninong at ninang namin sa kasal? At kung meron kang konti riyan, Mang Doming, baka puwede mo rin kaming tulungan sa gastos?”

Natunaw ang aking sama ng loob kay Migs, habang naghahanda kaming lahat para sa kasal nila. Malaki ang naging gastos naming mag-asawa, mula sa pagbili ng mga bagong baro, sa pagbayad sa simbahan, hanggang sa paghanda ng kaunting kainan at inuman para sa mga kaibigan namin at ng mga bagong-kasal. Ngunit sa tingin namin, sulit na rin ang aming gastos dahil magandang pares ang dalawa at mukhang liligaya sila sa kanilang bagong buhay. Namilit pa si Misis na bayaran muna namin ang tatlong buwang upa para sa bahay na may isang kuwarto sa isang lugar ng mga iskuwater sa tabi namin. Kinumbinsi ako ni Misis na kailangang magsarili ang dalawa upang maging seryoso sa buhay si Migs.

“Diyan natatapos ang unang yugto ng ating telenobela, pareng Jun. Tutuwid kaya ang landas ni Migs sa buhay ngayon na may pamilya na siya? Liligaya kaya ang mag-asawa sa kanilang bagong buhay? Matututo kaya si Migs na magmahal nang tunay kay Juanita? Magkakaayos kaya si Migs at ang mga magulang niya kapag nanganak na si Juanita?” ang mga tanong ni Mang Doming para mawili si Jun sa kanyang kuwento.

Sumali si Jun at nagdagdag siya ng kanyang tanong: “Magtatagumpay kaya ang mga negosyo ni Doming at ng kanyang Misis?”

“Oo nga. Maganda ang iyong tanong. Huwag kang aalis diyan, pare, at kukuha lang ako ng serbesa at pulutan. Abangan mo na lang ang susunod na kabanata. Sasagutin natin lahat ang mga tanong na iyan.”

LALAKI ANG NAGING UNANG ANAK ni Migs at ni Juanita. Ang gusto sanang pangalan ni Juanita’y “Teofilo” alinsunod sa kanyang tatay, ngunit si Migs ay moderno at ayaw niya ng makalumang estilo ng pangalan. Siya ang nasunod at “Robert” ang naging pangalan ng bata.
Dalawang buwan na si Robert bago magkaroon ng lakas-loob si Juanita na imungkahi kay Migs na ipasyal nila ang bata sa mga magulang ni Migs. Noong una, ang sabi ni Juanita sa misis ko, nagkunwari si Migs na nagagalak siyang gawin ito. Subalit tuwing magyayaya na si Juanitang lumakad, parating nagdadahilan si Migs na may kailangan siyang asikasuhin. Hindi nagtagal bago isuko ni Juanita ang kanyang mungkahi.
Siyempre, hindi nagbago ang ugali ni Migs, kahit naging padre de familia na siya. Patuloy pa rin siya sa kanyang pagkapropesyonal sa sabong. Subalit ‘yung kita niya’y hindi na sapat para sa tatlong tao at sa sariling pamamahay. Madalas niya akong hingan sa sabungan. Sa palagay ko’y nambabakal din siya sa mga iba pang parokyano sa sabungan, upang makaraos ang kanyang pamilya sa mga gastos.

Nagkaroon din naman ng mga sandali na mutso si Migs – kapag sinusuwerte sa trabesiya o di kaya’y nakakasingit sa tiyopeng sultada o nakakahanap ng tangang tahur na puwedeng labanan ang salapi. Tuwing darating ang grasya, bukas-palad si Migs at ibibili niya ng laruan si Robert at bagong baro si Juanita. Paiinumin pa ako paminsan-minsan.
Subalit, sa kabuuan, naghirap silang mag-asawa dahil hindi maaasahan ang hanapbuhay ni Migs. Pagkatapos nilang magsama nang dalawang taon, malimit nang pumasyal si Juanita sa aking Misis para humingi ng panggatas ni Robert. Gusto pa sana niyang mamasukan sa amin, subalit nakakuha na kami ng katulong.

Dumalang ang aking pagsasabong mula nang ikasal si Migs. Ipinamigay ko na ang mga tinali at dalawa o tatlong beses na lang sa isang buwan ako kung pumasyal sa ibayo. Ibinuhos ko ang aking sigasig sa mga negosyo at sila’y umunlad, lalung-lalo na ang paggawa at pagluwas ng matamis sa bao. Nasimulan namin ang paghuhulog sa lote nitong bahay namin sa subdibisyong Green Land. Nakabili rin kami ng una naming dyipning pampasada. Natural, nagkikita pa rin kami ni Migs sa ibayo at walang-patid ang aking balita tungkol sa buhay ng kanyang pamilya. Mas marami pang alam si Misis tungkol sa buhay nila dahil malapit sa kanya si Juanita.

Noong magdadalawang taon na si Robert, siya’y nagkaroon ng mataas na lagnat at siya’y nagsusuka. Nagpatuloy ang sakit ni Robert nang ilang araw, subalit ang akala ni Migs at ni Juanita ito’y pangkaraniwang sakit lamang. Madalas lang nilang binigyan ng aspirina at pinapatulog ang bata.

Isang gabi, nagpunta si Migs sa derby sa sabungang Texas, kahit walang-hinto ang pagsusuka ni Robert. Baka raw may tiyopeng sultada na pawawalan ng isang kilalang manlalahi. Hindi siya nag-iwan ng pera kay Juanita bago umalis at kailangan daw niya ng kapital para sa ilalaglag na sultada.

Hindi natuloy ang tiyopeng sultada sa derby at minalas pa si Migs. Baligtad ang bulsa niya noong umuwi siya nang madaling-araw.

Sinalubong siya ng humahagulhol na Juanita: “Nasaan ka ba nang buong magdamag? Nangingisay si Robert at wala akong pera para dalhin siya sa health center! Kanina pa siya suka nang suka at siya’y mahinang-mahina na! Habang nagsusugal ka sa sabungan, namamatay ang anak mo rito! Wala ka bang pagmamahal sa amin? Dugo mo iyang anak mo, ha! Bakit mo kami iniwanan? Diyos ko po! Maloloka na yata ako! Papaano ba ito? Anong gagawin natin? Tulungan mo naman kami, Migs! Baka mamatay si Robert! Migs!”

Isinakay agad ni Migs at ni Juanita ang bata sa traysikel at dinala sa health center. Nars lang ang nandoon at sinubukan niya ang magagawa niya, subalit hindi nagtagal ay naputulan ng hininga si Robert.

Pinagalitan ng nars ang mag-asawa dahil namatay ang bata: “Hindi ba ninyo alam na maraming kasong H-fever sa Parang ngayon? Ang daming lamok kasi rito, e. Wala bang kulambo ang anak n’yo? Mapipigilan ‘yang H-fever kung gumagamit lang kayo ng kulambo.

“Hindi naman dapat ikamatay ‘yang H-fever, ah. Halos lahat ng mga dinala rito’y gumaling naman sa paggagamot namin. Kasi, maaga pa, dinadala na sa amin ang maysakit. Masyadong matagal n’yong pinabayaan ang bata. Palagay ko’y mahigit isang linggo na siyang may mataas na lagnat at nagsusuka, ano? E, kung dinala n’yo rito agad, di sana’y naagapan ko.

“E, hindi ko naman kayang magmilagro. Noong dinala n’yo rito ang bata’y wala na siyang pag-asang mabuhay. Ang kaya ko lang gamutin ay ang ordinaryong maysakit. Kasalanan n’yo ‘yan.”

“Salamat po sa inyong tulong,” ang sabi ni Juanita. “Pero wala po kaming ibabayad sa paggamot ninyo kay Robert. Pasyensiya na po kayo.”
Noong sabihin ni Juanita ito, tinalikuran siya ng nars at sinabi niya kay Migs: “Mabuti pa, iuwi n’yo na agad ang bangkay ng anak n’yo. Pag inabot pa ‘yan ng doktor dito, magkakaproblema pa kayo sa pagbayad dahil ipinasok n’yo siya rito.”

Hindi ko matandaan kung si Migs ay umiyak sa paglibing kay Robert. Siguro naman, tinamaan din siya ng pagkamatay ng kanyang unang anak. Ang naaalala ko’y ang malalim na sugat sa puso ni Juanita.
Pagkatapos ng libing, umuwi agad si Juanita. Pumasok siya sa kanilang kuwarto at hindi na siya lumabas doon nang isang buwan. Araw at gabi siyang umiyak. Huminto siyang magluto at maglinis ng bahay. Si Migs ang nagpatakbo ng kanilang bahay, habang nagkukulong si Juanita. Pilit niyang pinakain si Juanita na sinusubuan niyang parang isang sanggol.
Pagkatapos ng isang buwan, habang nasa sabungan si Migs, nagbalot ng mga baro si Juanita at lumayas siya nang walang paalam. Hindi rin siya nagpaalam kay Misis o sa akin. Kaya noong hinanap ni Migs sa amin, kami man ay nagulat, sapagkat wala na pala siya.

Hindi nagtagal bago tumawag ang isang pinsan ni Misis para sabihin na si Juanita ay nasa Atimonan. Ang payo niya’y iwanan muna si Juanita roon para magpagaling ng kanyang sugatang puso. Nang malaman ko ito, sinabihan ko agad si Migs at pinayuhan ko rin siya na antabayanan na lamang ang kusang pag-uwi ni Juanita, dahil kung susunduin niya, baka naman lalong pumiglas ang kanyang asawa.

Pagkalipas ng tatlong buwan mula nang siya’y lumayas, bumisita si Juanita sa bahay at matagal silang nag-usap ni Misis. Mukhang tumanda siya nang higit sa kanyang edad na disinuwebe. Malungkot pa rin siya at doon muna siya natulog sa bahay nang dalawang gabi, bago siya tuluyang umuwi kay Migs. Pero parang kaya na niyang pasanin ang kirot ng kanyang kalooban dahil panay naman ang tulong niya kay Misis sa kusina.

Nang nabuntis ulit si Juanita pagkalipas ng anim na buwan, nasiyahan kami ni Misis, dahil sa tingin namin, maaayos na ang kanilang buhay. Subalit hindi pa rin namasukan si Migs sa regular na trabaho at ang kalagayan nila tungkol sa pera’y nanatiling isang kahig, isang tuka. Ito siguro ang dahilan kung bakit nagtrabaho si Juanita bilang isang weytres sa maliit na pansiteriya sa tabi ng palengke ng Marikina, kahit nagdadalang-tao na siya. Huminto lang siya nang sandali sa pagtatrabaho upang manganak, at bumalik agad nang wala pang isang buwan. “Mylene” ang ipinangalan sa pangalawa nilang anak.

Nahirapan noong una si Migs nang mamasukan si Juanita. Siyempre, napilitan siyang makihati sa mga gawaing pambahay, gaya ng paglilinis, pamimili, pagluluto at higit sa lahat, pag-aalaga sa sanggol na si Mylene. Minsan daw, nagreklamo si Migs: “Hoy, Juanita. Papaano ba ito? Mula nang magtrabaho ka, para na akong walang maybahay rito, ah. Bihira na tayong magkita at, madalas, pagod ka’t mainit pa ang iyong ulo. Gusto mo yata, pagsilbihan pa kita! Mahirap ang ganito. Hindi ba puwedeng ayusin mo ang mga tungkulin mo rito sa bahay? Magsikap ka para matupad mo nang mabuti ang mga responsibilidad mo sa pamilya."

Sinagot daw siya ni Juanita: “Hoy, Migs, dahan-dahan ka sa pagsasalita mo riyan. Anong pagkukulang ang idinidiin mo sa akin? Gusto mo yatang maging hari ng pamilya, ano? E, ang hari’y dapat magsustento ng kanyang mga alagad at maglaan para sa kinabukasan ng kanyang kaharian. Ngayon, sabihin mo sa akin kung sapat ang iyong nagagawa para sa amin. Kaninong kakulangan ang gusto mong pag-usapan natin dito? Nakakalimutan mo na yata ang nangyari kay Robert dahil sa iyong kakulangan!”

Gawa nito, nadala na si Migs na magpahayag ng kanyang mga karaingan. Hindi niya puwedeng ipilit ang kanyang pananaw dahil baka mauwi ito sa paghinto niya ng pagsasabong. Kaysa baguhin niya ang kanyang marawal na pamumuhay, tinanggap na lamang niya ang lubusang pagbabago ng relasyon nila ni Juanita.

Mas madali sana ang kanilang pagparte ng gawain sa bahay, kung hindi pareho ang mga oras nila sa trabaho. Si Migs ay umaalis sa bahay tuwing alas-dos, hanggang alas-tres, ng hapon at umuuwi nang alas-nuwebe o alas-diyes ng gabi, kung walang derby. Kung may derby, madaling-araw na siya umuuwi. Si Juanita naman ay umaalis tuwing ala-una ng hapon at umuuwi nang alas-otso ng gabi, bago dumating si Migs. Ang kabutihan nito kay Migs ay hindi niya kailangang sunduin si Juanita sa trabaho, dahil nauunang matapos si Juanita. Subalit ang naging problema’y ang pag-aalaga kay Mylene sa hapon, dahil pareho silang wala sa bahay. Mabuti na lang at ang kapitbahay nilang si Aling Selma ay wala nang ginagawa, dahil biyuda na at matanda na rin ang kanyang mga anak. Si Selma ang nag-alaga kay Mylene tuwing hapon at ang bayad niya’y libreng pagkain araw-araw.

Pagkaraan ng ilang taon ng ganitong klaseng relasyon, guminhawa na ang pakiramdam ni Migs tungkol sa pagkakaayos ng kanyang pamilya. Pumayag na siyang tumulong sa paglilinis at pag-aalaga kay Mylene, lalo na at lumalaki na rin ang bata at maaari na siyang kausapin at kalaruin. Nakatutuwa pa namang bata si Mylene dahil lista siya, madaldal at masarap yakapin, dahil bilog na bilog ang katawan. Naging mas malapit nga si Mylene kay Migs kaysa kay Juanita, at parang may espesyal na koneksiyon ang bata sa kanyang tatay. Tuwing umaga, si Migs ang parating unang nilalapitan ni Mylene upang maglaro pagkatapos mag-almusal.

Huminto na si Juanita sa paghingi ng pera kay Migs para sa mga gastos. Paminsan-minsan, nakakaambos pa nga si Migs ng puhunan kay Juanita. Dahil dito’y hindi pa rin lumuwag ang kanilang kalagayan hinggil sa kuwarta, ngunit wala namang malaking pagkakagastosan dahil hindi pa naman nag-aaral si Mylene, kahit na mahigit na anim na taon na siya. Nakontento na si Migs sa kanyang buhay.

Nabasa ko ito sa mukha ni Migs tuwing magkikita kami, at sa kanyang mga sinasabi kapag tinatanong ko siya tungkol sa pamilya. Dahil masaya si Migs, natuwa na rin ako, pagkat naging parang kamag-anak ko na rin siya. Kaya siguro mabagsik ang naging reaksiyon ko noong nagtsismis si pareng Pilo sa akin tungkol kay Juanita.

Inaanak ni Pilo ang anak kong si Abe, na seaman sa ngayon at madalas nagbibiyaheng paikut-ikot sa Asya. May tindahan si Pilo sa palengke ng Marikina at ang tirahan niya’y hindi naman kalayuan sa bahay ni Migs. Magkakilala sila dahil nagsasabong din si Pilo sa ibayo.

Nagkita kami ni Pilo sa ibayo at naisipan naming magbakas ng tigalawang libo. Hinanap namin si Migs, subalit nag-derby siya sa Pasig Square Garden, kaya si Ricky na lang ang ginamit naming kristo. Nalito kami ni Pilo sa pananaya dahil itong lintik na Ricky ay kung anu-anong tip ang ipinipilit sa amin sa bawat sultada. Nagpapanggap yata kasi siya na siya’y isang dalubhasang sabungero. Natalo tuloy ang pinagbakasan namin ni Pilo. Gusto pa sana ni Pilong magbakas nang panibago, subalit ayaw ko na dahil punung-puno na ako kay Ricky. Niyaya ko na lang si Pilo na magpahinga muna at uminom ng serbesa sa restawran.

Mainit pa ang dugo ko kay Ricky pagdating namin sa restawran sa kabila ng kalsada sa tapat ng pintuan ng sabungan. Habang umiinom kami ng serbesa, nabanggit ko na si Ricky ang may kasalanan sa aming pagkatalo. Sabi ko kay Pilo: “Kung naririto lang si Migs, hindi sana tayo matatalo.”

“Oo nga, pare. Magaling talaga ang barkada mong si Migs sa sabong. Sayang, wala siya rito. May laban sana ang pera natin. Pero, pare, may sasabihin ako sa iyo. Kahit magaling iyang si Migs sa sabong, napakatanga niya sa buhay. Hindi siya marunong magdala ng asawa,” sagot ni Pilo.

“Bakit mo naman nasabi ‘yon?”

“Baka hindi mo nalalaman, pare, na kinakaliwa siya ng asawa niyang si Juanita.”

“Ano?!”

“Pare, nalalaman kong magkabagang kayo ni Migs. Kaya ko lang naman sinasabi ito ay para tulungan mo siya sa pag-aayos ng kanyang buhay.”

“Sabihin mo na nang diretso, pare, at titingnan ko ang aking magagawa.”
Nagsalaysay si Pilo ng kanyang mga naririnig at nalalaman. Ang sabi niya: “Umuugong na sa sabungan ang mga kataksilan ni Juanita kay Migs, pare. Halimbawa, sinabi sa akin ni Reggie, ‘yung bang katulong ni Obet sa pagkasa ng mga sultada sa ibayo, na pumasyal siya isang araw kay Migs para magpatulong bumili ng mga teksas. Inagahan niya ang pagpunta, mga alas-diyes ng umaga, para abutan niya si Migs, pero nang kumatok siya sa bahay ay walang sumagot. Umikot siya sa likuran at doon nakarinig siya ng mga ungol na nagmumula sa kuwarto ni Migs. Napangiti siya at akala niya iyon ang dahilan kung bakit hindi siya pinagbuksan ng pintuan ni Migs – dahil binabanatan ni Migs ang kanyang asawa sa kainitan ng umaga. May maliit na puwang daw sa kurtina. Sumilip si Reggie at nakita nga niya si Juanita na hubad at nakapatong, habang bumobombang pataas at pababa. Natakot siyang ituloy ang kanyang pamboboso dahil baka mahuli siya ng mag-asawa. Kaya umikot siya ulit papunta sa pintuan ng salas para hintayin si Migs na matapos sa kanyang pagtatalik.

“Hindi naman nagtagal bago bumukas ang pintuan, pero ang lumabas ay hindi si Migs, kundi ang isang kolektor ng Meralco na hindi niya kakilala. Ilang minuto pa’y lumabas din si Juanita at binati siya. Nang hinanap niya si Migs, ang sabi ni Juanita ay kasama ni Abet sa palahian sa Teresa, dahil nagkukundisyon sila ng mga manok. Nagmadali siyang nagpaalam kay Juanita.

“Sa tingin daw ni Reggie, niyari ni Juanita ang kolektor ng Meralco dahil wala siyang pambayad at ayaw naman niyang maputulan ng koryente.”

Pagkatapos kong mapakinggan ito, sabi ko kay Pilo: “Pare, tsismis lang ‘yan. Baka naman may alitan si Migs at si Reggie at naninira lang ang Reggie para makaganti.”

“Puwede,” ang sagot ni Pilo. “Pero, pare, ako mismo’y nagkaroon din ng karanasan kay Juanita. Alam mo, pare, kahit tumatanda na tayo, mahilig pa rin tayo kapag nakainom. Noong isang buwan, nalasing ako sa handaan ni Emil sa kanyang kaarawan doon sa Calumpang. Nagkayayaan ang barkada sa paborito naming masahihan doon sa Green Lantern sa Binangonan, kahit na alas-kuwatro pa lang ng hapon noon.

“Pagdating namin sa masahihan, tinanong ko ang kakilala kong manedyer kung sino ang magaling na bagong salta. Sinabi niya si Elvie raw ay maganda, mahilig at bagong lipat sa kanila. Pumayag akong kunin si Elvie, kahit hindi ko pa siya nakikita dahil mahilig ako sa maganda at bagong mukha. Pumasok na ako sa kiyubikel, naghubad, nahiga sa kama at hinintay si Elvie.

“Habang nakahiga ako, pare, dumating ang masahista at bigla niyang binuksan ang kurtinang pintuan ng kiyubikel. Nailawan ngayon nang mabuti ang kiyubikel. Pare, maniwala ka sa akin, halos inatake ako sa gulat ko nang nakita ko si Juanita na naka-unipormeng puti! Nakita rin niya ang aking mukha’t tumalikod siya agad at sumibat siyang paalis.

“Pagkatapos mangyari ‘yon, dumating ang isa pang masahista at sabi niya sa akin, wala raw si Elvie roon at siya na lang ang kapalit. Nagpamasahe ako at, natural, pare, niyari ko nang mabuti ang kapalit. Alam mo naman, pare, na kahit ganito na ang edad natin, umuubra pa rin tayo.

“Pagkatapos kong maligo, hinanap ko ang manedyer para tanungin siya tungkol kay Juanita. Pero nagtago na siya sa akin.”

Galit akong sumagot sa sumbong ni Pilo. ‘Ika ko sa kanya: “Pareng Pilo, nalalaman mo naman na pareho kayong malapit sa akin ni Migs. Huwag na huwag mo akong papiliin sa inyong dalawa! Masahol ka pa sa tsismosa sa ginagawa mong iyan! Lahat ng isunumbong mo sa akin ay grabeng paninira kay Juanita. Ngunit walang halaga sa akin ang mga sinabi ni Reggie dahil hindi ko naman kilala ang kanyang pagkatao. At ang nakita mo sa masahihan ay hindi naman sigurado. Isang sulyap lamang iyon na maaaring sala. Hindi mo naman nakausap ‘yung Elvie, ni hindi mo nakausap ang manedyer pagkatapos mong magpamasahe.

“Nalalaman mo ba, Pare, na inaanak ko sa kasal iyang si Migs at si Juanita? Nagkakilala sila sa bahay ko. Si Juanita’y kamag-anak ng aking misis. Mag-ingat ka naman sana sa pagsasalita mo, Pare! Maaari kang makasira ng buhay na may buhay sa ginagawa mong iyan! Tatayo na ako at iiwanan na kita bago pa tayo mag-away, Pare. Tandaan mo na lamang ang aking payo!”

Iniwanan ko si Pilo na nakanganga. Huminto na akong magsabong at agad-agad akong umuwi. Naroroon si Misis at ibinuhos ko sa kanya ang aking sama ng loob sa mga kuwento ni Pilo tungkol kina Migs at Juanita. Nakinig siyang mabuti – at pagkatapos kong magmura at pagkalipas ng aking galit – ipinagtapat niya sa akin na totoo lahat ang sinabi ni Pilo.

Pagkatapos manganak ni Juanita kay Mylene, humingi pala siya ng payo sa aking misis. Masyadong maliit daw ang kita sa pagiging weytres at gusto raw niyang mamasukan sa masahihan, kung saan maaaring kumita nang mabuti. Bagama’t pagtataksilan niya si Migs sa ganitong trabaho, sa tingin niya’y hindi naman malaking kasalanan ito, dahil si Migs ay hindi na magbabago at magpapakamatay na raw siya kung madisgrasya ulit ang pangalawa nilang anak dahil sa kapabayaan ni Migs at ng kanilang kahirapan.

Noong una, hindi pumayag si Misis sa plano ni Juanita. Subalit ipinagpilitan ni Juanita ang kanyang balak at, sa wakas, hindi na siya pinigilan ni misis dahil hindi naman namin masasagot ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya.

“At sa paghukay natin ng lihim na trabaho ni Juanita ay nagwawakas ang pangalawang yugto ng ating telenobela, pareng Jun. Sasabihin kaya ni Doming kay Migs ang katotohanan tungkol sa kataksilan ni Juanita? Mabubungkal kaya ni Migs sa sarili niyang sikap ang maitim na sikreto ng kanyang asawa? Makakarma kaya si Juanita dahil sa kanyang kataksilan? Anong tadhana ang naghihintay sa anak nilang si Mylene? Madidisgrasya rin ba siya kamukha ng kuya niyang si Robert?” tanong ni Mang Doming kay Jun para akitin siya sa kuwento ng buhay ni Migs.

“At kailan hihinto si Migs sa pagsusugal para awatin na ang mga dumaraming problema ng kanyang pamilya?” tanong naman ni Jun na pabiro.

“Tama ‘yang tanong mo, Jun. Antabayanan mo na lang, Pare, ang susunod na kabanata, habang naghahanda ako ng ating mga serbesa at pulutan. Sasagutin natin lahat ang mga tanong na iyan.”

HINDI KO NAKUHANG SABIHIN KAY MIGS ANG AKING NALALAMAN tungkol sa kanyang asawa. Kasi, masyadong gugulo ang buhay naming lahat, kapag ginawa ko ito. Puwedeng magalit siya sa aking misis dahil pinayagan niya na maging puta si Juanita. Magtapatan na tayo rito, Pare, at pareho naman tayong lalaki. Ang masahista ay puta, at walang masahistang hindi pumapayag sa “ekstra serbis” dahil mamamatay sila sa gutom, kung ang aasahan lamang nila’y ang kanilang parte sa bayad para sa tunay na masahe.

Siyempre, ipagkakaila ni Juanita ang aking sasabihin. Baka naman hindi maniwala sa akin si Migs at sa akin pa siya magalit. Madalas mangyari iyan sa mga busalsal na pakialamerong sumisisid sa mga mapanganib na karagatan, hindi ba?

Kaya pinabayaan ko na lang ang maselang bagay na iyan, at, mahirap na, baka masangkot pa kami ni misis sa gulo. Ngunit nahahabag kami ni misis sa kalagayan ng mag-asawa at sinubukan kong ihanap si Migs ng trabaho. Sandali ko lang sinubukan ito dahil malinaw na malinaw na wala siyang hilig mamasukan.

Tinulungan na lang namin ni misis si Mylene at napalapit siya sa amin. Pinagpilitan kong ipasok na sa paaralan ang bata at kami ang nagpasan ng kalahati ng matrikula. Noong una, madalas kaming magregalo kay Mylene ng mga baro at mga gamit sa pag-aaral. Tuluy-tuloy kasi ang pag-unlad ng aming mga negosyo at sa panahon na iyon, naging tatlo na ang aming pampasadang dyipni.

Pero, alam mo naman, apat din ang mga anak na pinapalaki namin, at sinimulan na rin namin ang pagpapatayo ng bahay at tindahan na ito, kaya limitado rin ang aming tulong kay Mylene. Dahil hindi regular ang aming tulong, may mga taon na huminto si Mylene sa pag-aaral at naiwanan lang sa bahay upang tumulong sa kanyang mga magulang.
Kinse anyos na siya nang makatapos ng elementarya at disiotso na siya nang makapasok sa hayiskul. Dahil malaki ang tanda niya sa mga kaeskuwela, tinamad na siyang mag-aral at masama ang kanyang mga grado.

Sa tingin ko’y hindi naman mahina ang kanyang ulo dahil buhay na buhay ang kanyang personalidad, at mabilis siyang sumagot sa biruan at kantiyawan. Maganda pati siya dahil namana niya ang kanyang kutis at pinong pagmumukha sa kanyang ama at ina. Mas mataas siya sa kanyang ina at mahilig daw siyang sumayaw ng mabibilis na sayaw ng mga bata.

Dahil parehong madalas wala sa bahay ang mga magulang, nagkaroon si Mylene ng maraming kaibigang babae at lalaki sa kakapuslit para gumimik sa araw at magdisko sa gabi. Hindi siya nahadlangan ng kahirapan ng mga magulang sa kanyang paggiging sosyal. Nakakahingi naman siya sa aking misis ng panggimik paminsan-minsan. At ang kanyang ganda’y nagpaluwag ng bulsa ng mga lalaking parating nakapaligid.

Walang mintis ang disgrasya sa kalsadang tinatahak ni Mylene sa kanyang buhay, lalo na’t ayaw niyang makinig sa mga pangaral ni misis. Madalas siyang pumasyal sa bahay upang makipagkuwentuhan kay Misis at, siyempre, para humingi na rin ng pera. Kay Misis nanggaling ang nalalaman ko tungkol sa buhay ni Mylene.

Dumating ang araw na nabingwit siya ng isang babaerong istambay na nagkunwaring anak ng maykaya – ang pangalan niya’y Babes. Siya’y panganay ni Pinong, isang may-ari ng talyer sa West Avenue sa Quezon City, na nakilala ko minsan sa negosyo. Beinte-kuwatro o beinte-singko na si Babes at marami na siyang karanasan sa pagbabarkada at sa mga babae. Guwapo at malaking lalaki ang damulag, at walang iniintindi sa buhay. Hindi siya nakatapos ng hayiskul at ang balita’y humihithit pa siya ng shabu paminsan-minsan.

Sa simula’y nagkaunawaanan lang muna sila, habang pumapasok si Mylene sa paaralan. Hindi gaanong nagtagal bago makumbinsi ni Babes si Mylene na huminto na sa pag-aaral, dahil magpapakasal naman daw sila. Paglisan ni Mylene sa paaralan, nagkasintahan na sila. Anim na buwan silang nagkita nang araw-araw upang ibuhos sa bawat isa ang umuusok nilang silakbo ng kabataan. Habang nangyayari ito, akala naman ni Migs at ni Juanita’y tuloy pa rin sa pag-aaral si Mylene. Si Misis lang ang nakakaalam ng katotohanan noong panahong iyon.

Kung saan-saan daw napadpad si Babes at si Mylene sa kanilang mga tipanan. Halos wala silang nakaligtaang lugar na popular sa mga kabataan para binyagan ng kanilang pagtatalik o, kaya, seryosong kaplugan kung masyadong marami ang mga tao. Nagkalat ang tamod ni Babes at ang lusaw ni Mylene sa mga sinehan sa mga mall, sa Luneta at sa Quezon Memorial, sa madidilim na kanto ng sarisaring disko, sa mga pribadong kuwarto ng mga videoke bar, at kahit sa mga bakanteng lote sa mga pinapasyalan nilang mga subdibisyon. Siyempre, pag may kuwarta si Babes, pumapasok din sila sa motel at nagyayarian din sila sa mga kotseng naitatakas ni Babes paminsan-minsan mula sa talyer ng kanyang tatay. Ito’y nagmumula na sa utak ko at hindi naman ganito ang estilo ng pagkuwento ni Misis sa akin.

Akala ni Mylene ay seryoso si Babes, kaya sumunod muna siya sa utos nito na uminom siya ng pildoras upang hindi mabuntis. Subalit, pagkatapos ng anim na buwan, kumuti-kutitap na ang alab ng puso ni Babes. Nagsimula siyang magdahilan para mabawasan ang dalas ng kanilang mga tipanan.

Minsan sa isang linggo na lang sila kung magkita nang maging desperada si Mylene, dahil mukhang umuus-os na sa kanyang kamay ang mahal niyang si Babes. Huminto siyang uminom ng pildoras at nagpabuntis siya para siluin ang kanyang kasintahan.

Nalaman ni Mylene kung gaano kalaki ang kanyang pagkakamali nang sinabi niya kay Babes na buntis na siya nang dalawang buwan. Kunwa’y natuwa si Babes at pinaghahalikan pa siya sa leeg. Ngunit hindi sila nagtalik noong gabing iyon. Sa susunod na linggo, nagpaalam si Babes kay Mylene at sabi niya’y ipinadala raw siya ng tatay niya sa Davao at maiiwanan siya roon ng tatlong buwan para magtayo ng talyer. Hindi na nakita ni Mylene si Babes mula noon.

Hindi naman halatang nasiraan ng loob si Mylene sa pagkakaiwan sa kanya ni Babes, ayon kay Misis, bagama’t kung minsan nahuhulog siya sa paggugunam-gunam, kahit may kausap. Pinilit niyang makigimik pa rin sa mga kaibigan upang malimutan ang kanyang problema. Disinuwebe anyos pa lang siya noon at marahil hindi pa makalayo ang kanyang isip sa kasalukuyang paglilibang, kaya dumaan ang panahon na walang nakakaalam ng kanyang kundisyon, maliban kay Babes at kay Misis.
Nagpasiya naman si Misis na hintayin na lamang na si Mylene mismo ang magkumpisal ng katotohanan sa kanyang mga magulang.

Pagkaraan ng apat pang buwan, masyadong lumaki na ang tiyan ni Mylene at, isang gabi, hinarap siya ni Juanita. Ipinagtapat ni Mylene ang lahat at walang pag-aatubiling niyakap siya ni Juanita, hanggang mag-iyakan sila nang matagal.

Pagdating ni Migs sa bahay noong gabing iyon, inutusan ni Juanita si Mylene na mamili ng de-lata sa tindahan at saka niya ibununyag kay Migs ang kalagayan ni Mylene. Lumihis si Migs sa kanyang pangkaraniwang katamlayan ukol sa mga pangyayari sa kanyang pamilya nang malaman niya ang nangyari kay Mylene. Nagwala siya’t nagsisigaw, pinagmumura niya si Juanita’t nagbanta siyang patayin si Mylene. Iniwanan siya ni Juanita para lumabas ng bahay upang salubungin si Mylene. Inutusan ni Juanita si Mylene na matulog na muna sa aming bahay noong gabing iyon.

Inihatid ko si Mylene kay Migs makalipas ang dalawang gabi. Nagpasabi muna ako kay Migs na darating kami ni Mylene, kaya naghihintay na siya nang kami’y pumasok sa pintuan – subalit wala si Juanita roon.

Tumayo si Migs at binati ako pagdating namin. Pagkatapos dahan-dahan siyang humarap kay Mylene at bigla niyang sinampal nang malakas ang kanyang anak sa kaliwang pisngi. Nagalit ako, at itinulak ko nang malakas si Migs. Sinabi ko sa kanya: “Migs, ipanatag mo ang iyong sarili! Nauunawaan kong nandito tayo sa iyong bahay. Ngunit hindi pa rin ako papayag na saktan mo ang iyong anak sa aking harapan! Tandaan mo, Migs, na malaki na rin ang naitulong namin sa pagpapalaki kay Mylene. Sugpuin mo ang iyong galit at mag-usap tayong lahat nang maayos!”

Natauhan si Migs at ‘ika niya sa akin: “Sorry, Mang Doming. Nabigla lang ako. Kagabi ko pa iniisip ang grabeng problema ni Mylene. Halos hindi nga ako nakatulog. Pero umupo muna kayo. Mag-usap tayo.”

Nang nakaupo na kami, nagsalitang muli si Migs: “Nalalaman naman natin na hindi kita pinagbuhatan ng kamay bago nangyari ito, Mylene. Maaaring kasama na rin ‘yan sa pagkukulang ko sa inyong mag-ina. Nalalaman ko iyon. Pero ako’y tao lamang at kung anuman ang pagkakasala ko sa inyong dalawa, isinusumpa ko ngayon sa harapan ni Mang Doming na hindi ko sinadyang saktan kayo. Mabisyo ako at wala akong tiyaga, totoo ‘yan, pero meron din akong mga damdamin. Madali akong saktan at ang dugo ko’y tumatagas pag ako’y nasugatan. Mylene, ikaw ang pag-asa sana ng ating pamilya. Kami ng ina mo’y matatanda na at wala nang pagkakataong umasenso. Ikaw na lang ang may panahon pang umangat sa buhay. Kaya kami’y naglingkod sa iyo, para makapag-aral ka at magkaroon ka ng magandang kinabukasan.

“Maniwala ka sa akin, Mylene, hindi madali ang naging buhay namin ng iyong ina. Pero nagtiis pa rin kami para sa iyong kapakanan. Ngayon, ito ba ang ibabayad mo sa amin? Isa kang disgrasyadang babae na nabuntis, pero hindi pinakasalan! Sinong mag-aalaga at magpapalaki ng iyong anak? Kami? Bakit walang tatay ‘yan? E, kasi bulagta ka lang nang bulagta sa harapan ng kung sinu-sinong lalaki! Iyan ang napala mo sa kaka-goodtime mo gabi-gabi!

“Bakit hindi mo sinabi sa amin kaagad, para puwede pa sana nating naipalaglag iyan? Itinago mo sa amin ang pagkabuntis mo, pero kami rin ang magbabayad para sa mababaw mong kaligayahan! Wala ka nang ibang inisip, kundi ang iyong sarili! Hindi mo naman kayang magsarili at umaasa ka pa rin sa aming tulong!

“Hindi kita palalayasin sa ngayon, di kamukha ng ginawa sa akin ng aking tatay noong araw, dahil mahigpit ang iyong pangangailangan. Pero tandaan mo ito, Mylene – ikaw, at ikaw lang, ang sumira sa iyong buhay! Pagbabayaran mo iyan balang-araw!”

Parang wala sa lugar si Migs na magsalita nang ganoon dahil pabaya naman siya sa kanyang pamilya, at wala siyang karapatan na singilin ng utang na loob si Mylene. Ngunit pinabayaan ko na lang ang sermon ni Migs dahil siya ang ama ni Mylene, at ang layunin ko’y pigilin lang siya sa pananakit sa kanyang anak.

Sa mga sumunod na araw, marami akong mga mungkahing iniharap kay Migs upang pagaanin ang problemang dala ni Mylene. Hindi niya gaanong pinansin ang mga sinasabi ko dahil mukhang alam na niya ang kanyang gagawin.

Pagkatapos manganak ni Mylene ng isang lalaking pinangalanan niyang “Philip,” nabalitaan ko kay Misis na gabi-gabi raw ay sinisi nang sinisi ni Migs si Mylene, hanggang sumuko na ang bata at sa wakas ay pumayag na sa matagal nang ipinipilit ni Migs na mag-Japayuki si Mylene – bilang isang “mananayaw na kultural.”

Naiwanan si Philip kay Migs at Juanita nang lumipad si Mylene patungong Fukuoka sa Japan. Regular naman ang pagpapadala niya ng salapi sa kanyang mga magulang para sa pagpapalaki kay Philip. Sobra-sobra nga siguro ang ipinapadala niya dahil napansin ko sa sabungan na nakabili si Migs ng bagong sapatos at mga T-shirt at lumakas ang kanyang pagtaya.

Nawala na rin ang galit ni Migs kay Mylene at unti-unting tumaas ang pagtingin niya sa nag-iisa niyang anak. Nagsimula siyang magyabang sa akin tungkol sa laki ng kita ni Mylene sa Japan.

At noong minsan, pagbisita ko kay Migs, nakita kong nakatanghal sa kanyang salas ang isang makulay at malaking ritrato ni Mylene. Malaki ang kanyang ngiti sa kamera, ang suot niya’y ang bikini at bra ng mga nagbuburles na may mga naglalambitin pang makiskislap na borloloy, at tangan niya ang kanyang dalawang suso, habang bahagyang nakabuka ang kanyang mga hita.

“At sa ganyang ritrato ni Mylene natatapos ang pangatlong kabanata ng ating telenobela, pareng Jun. Makakarma kaya si Migs dahil sa kalupitan niya kay Mylene? Anong mangyayari kay Mylene sa Fukuoka? May pag-asa pa ba siyang lumigaya sa buhay? Kailan kaya matatauhan at magsisisi si Migs sa kanyang pagkukulang kay Juanita at kay Mylene?” tanong ni Mang Doming sa mababang boses, na kunwari’y tagapagsalita sa radyo.

Sumakay naman si Jun sa biruan: “Sapat na kaya ang parusa ng langit kay Juanita, sa pamamagitan ng pagkadisgrasya ni Mylene, para sa kanyang kataksilan kay Migs o meron pang karmang naghihintay sa kanya? At si Migs naman, kailan kaya siya magbabago ng kanyang landas sa buhay? Okey ba ‘yun, Mang Doming?”

“Okey na okey, pareng Jun. Kuha mo na ang estilo ko sa pagkukuwento. Sasagutin natin lahat ang mga tanong na iyan sa huli at sukdulang yugto ng buhay ni Migs San Juan. Sandali lang, pareng Jun, at magbabawas lang muna ako sa banyo. Babalik ako.”

MEDYO SUMIKAT SI MIGS SA SABUNGAN, habang pinadadalhan siya ng pera ni Mylene mula sa Fukuoka. Tumaas ang antas ng mga tinaling inilalaban ni Migs at lumaki ang parada ng kanyang mga manok. Huminto na siyang manghingi sa akin at, kung minsan, nagyayaya pa siyang magbakas kami sa trabesiya. Itinuloy pa rin niya ang pagkikristo, ngunit binitiwan na niya ang mahihinang parokyano at nagpaupa na lamang siya sa makakuwartang tahur. Madalas na siyang magpunta sa mga derby, pati na sa bantog na Araneta Coliseum.

Napansin ko rin, sa mga madalang kong bisita sa bahay ni Migs, na may bagong sopa na sila at maliit na telebisyon na nakapatong sa mesang may ginantsilyong doyli sa ibabaw. Parati nang may isang kahong serbesa sa kusina, at ang pulutan niya’y naging de-lata na.

Isang araw, dumating ang liham mula kay Mylene na nagbabalita na uuwi na raw siya sa susunod na buwan sapagkat hindi na siya makapagpanibago ng kanyang bisa. Sinabi ni Migs sa akin na halu-halo raw ang kanyang mga damdamin hinggil sa pag-uwi ni Mylene. May apat na taon na mula nang umalis si Mylene at nanabik na rin siyang makitang muli ang kanyang kaisa-isang anak. Natatakot din naman siya na maghihirap muli ang kanyang pamilya, dahil sa paghinto ng malaking kita ni Mylene.

Pagkaraan ng isang buwan, umuwi nga si Mylene sa Maynila. Kailan lang ito, ilang buwan pa lamang ang nakararaan mula nang dumating si Mylene. Lima na ang mga dyipning pampasada namin ni Misis ngayon, kaya bumunot ako ng isa para gamitin namin nina Misis, Migs, Juanita, at Philip sa pagsalubong kay Mylene sa paliparan.

Ang daming tao sa paliparan nang sinalubong namin si Mylene. Isang katutak kasi ang mga umuwing OFW. Siyempre, ibayong dami pa ang sumalubong sa kanila. Halos isang oras naming hinanap si Mylene sa paligid ng paliparan bago namin siya nakita. Umiyak na tuloy si Philip sa pagod at sa init ng panahon.

Pambihira ang itsura ni Mylene nang nakita ko siya sa labas ng paliparan. May suot siyang puting bota de bursigi - ‘yun bang maikling bota na may mga puting balahibo pa sa loob na kaunti lang ang lampas sa kanyang bukungbukong. Nakatakip ng makapal na itim na leggings ang kanyang mga binti at hita. Ang palda niya’y ubod ng ikli – kung ang misis ko ang magsusuot noon ay siguradong sisipunin siya – at ito’y makintab na plastik na ang kulay ay matinding pula. Ang blusa niya’y mahaba ang manggas, puti, manipis at parang ginantsilyo, dahil butas-butas. Kitang-kita ang pula niyang bra sa ilalim ng blusa. May itim na scarf siyang nakapulupot sa kanyang leeg.

Nagkakaway at nagtatalon si Mylene nang nakita niya kami. Tumakbo siya papunta sa amin at napaiyak siya nang una niyang makita si Philip. Niyakap niya nang matagal ang anak niyang nahiwalay sa kanya nang apat na taon. Tuwang-tuwa rin si Mylene na makita ang kanyang mga magulang at pati na rin ako at ang aking misis. Nagalak kami ni Misis na hindi naman kami nalimutan ni Mylene, kahit matagal na siyang nag-abroad.

Ang dami niyang mga pasalubong! Dinalhan niya ako ng mamahaling T-shirt na tatak Lacoste at ang pasalubong niya kay Misis ay isang balat na bag na Christian Dior. Tatlo yata o apat na malaking laruan ang dala niya para kay Philip at marami pang baro. Dalawang T-shirt na tatak Polo ang regalo niya kay Migs at isang ternong bag at sapatos na Bally ang dala niya para kay Juanita.

Masayang-masaya ang kuwentuhan namin pauwi sa Parang upang ihatid ang pamilya ni Migs. Naiwanan muna kami ni Misis kina Migs para maghapunan at makinig sa mga karanasan ni Mylene sa Fukuoka. Hindi masyadong detalyado ang mga kuwento niya tungkol sa kanyang buhay sa Japan, ngunit ang pinalabas niya’y masaya naman siya roon at marami siyang naging kaibigang Filipina. Wala siyang binanggit na kaibigang Hapon.

Nang pauwi na kami ni Misis sa Cainta, sinabi ko sa kanya ang mga napansin ko tungkol kay Mylene: “Hindi ba tumaba si Mylene at nagsimula nang mahulog ang kanyang katawan? Subalit parang namayat naman ang kanyang mukha. Sa tingin ko’y masyadong matalas na ang kanyang ilong ngayon at ang mga buto niya sa pisngi. Nagkaroon pa siya ng maliliit na linya sa paligid ng kanyang mga mata. Mukhang ‘mestisang-bangus’ na siya, hindi ba, at parang mas matanda siya kaysa kanyang edad na beinte-kuwatro.

“Parang si Migs na lang ang medyo guwapo at mukhang bata sa kanilang pamilya, ano? Siguro gawa nang wala siyang problema dahil siya ang pinagmumulan ng mabibigat na suliranin ng pamilya.”

Natawa si Misis sa aking mga obserbasyon at sabi niya: “Nagpapatawa ka, Doming, pero tama ka tungkol kay Migs. Masama nga ang itsura ni Mylene. Baka ang dahilan nito’y ang malamig na klima sa Japan na nakakatuyo ng balat. Baka na rin ang kahirapan ng buhay ni Mylene roon, dahil alam naman natin na mga kriminal na Hapon ang may hawak sa mga Japayuki. Alam mo, nakaramdam ako ng malalim na kalungkutan sa kalooban ni Mylene, kahit masaya siya ngayong gabi.”

Sa mga sumunod na buwan, parang walang nagbago sa buhay ni Migs at ni Juanita sa pag-uwi ni Mylene. Lumuwag pa nga ang panahon nila dahil si Mylene na ang nag-alaga kay Philip. Laman pa rin ng mga sabungan si Migs at tuwing magkikita kami sa ibayo, nagkukuwento siya tungkol sa laki ng perang naipon ni Mylene at sa pagsisikap ng anak niyang makakuha muli ng mga papeles upang makabalik sa Japan.

Subalit nang ikuwento ko ito kay Misis, ang sinabi niya’y: “Tama na nga ‘yang si Migs. Puro sarili lang niya ang kanyang iniisip. Hindi ba niya napapansin na halos hindi na lumalabas ng bahay si Mylene? Sinabi niya sa akin na rito na lang siya sa bahay pumapasyal paminsan-minsan. Tuwing makikita ko naman siya, ang dumi-dumi ng kanyang siyorts at T-shirt. Parati pa siyang nakatsinelas lang. Hindi na siya nag-aayos ng sarili ngayon.

“Ang lungkut-lungkot pa niya. Palagay ko, napahirapan siya nang husto sa Japan. Pero ayaw naman niyang ipagtapat ito sa akin. Sabi niya, masama ang kanyang loob na agad-agad winawaldas sa sugal ni Migs ang kaunting naipon niya para kay Philip. Nagagalit din siya na parati siyang pinipilit ni Migs na bumalik sa Fukuoka. Ginagawa raw siyang palabigasan. Pero hindi na raw siya makakabalik sa Japan dahil gastado na ang kanyang katawan at pagmumukha. Kaya pala siya pinalayas doon.
“May duda ako na humihithit na si Mylene ng shabu at marijuana para malimutan ang kanyang mga sama ng loob.”

Tumpak na naman si Misis ukol sa kalagayan ni Mylene! Isang gabi, umuwi ako pagkatapos kong maghatid ng matamis sa bao sa paliparan. Naghihintay sa akin si Migs. Hindi ko ma-ispeling ang kanyang mukha. Para siyang namumutla sa takot at magulung-magulo ang isip. Hindi na siya bumati sa akin o ngumiti man lang, basta nagsabi siya ng: “Mang Doming, mag-inuman tayo dahil masyadong mabigat ang aking problema ngayon.”

Dito mismo sa ating mga inuupuan ngayon kami nagkuwentuhan ni Migs noong gabing iyon. Noong isang linggo lang ‘yon. Pambihira ang isinalaysay niya sa akin.

Noong isang hapon daw, pagkatapos nilang mananghalian, umalis nang maaga si Juanita at si Philip ay pinatulog niya sa kuwarto. Masyadong maaga pa para magsabong, kaya nanood muna siya ng “Scorpio Nights” sa telebisyon. Puro raw kahayupan na ST ang sineng iyon at nalibang siya sa kapapanood. Hindi niya napansin kaagad na si Mylene ay umupo sa sopa sa kanyang tabi at nagsindi ng maliit na sigarilyo. Lumingon siya kay Mylene nang napansin niya na naiiba ang amoy ng usok ng sigarilyo ni Mylene, at parang maanghit na matamis ito. Ngunit bumalik siya sa panonood ng “Scorpio Nights” dahil nagbobombahan na raw ang isang pares na guwapong lalaki at magandang babae sa sine.

Nabigla raw siya nang maramdaman niyang may humihimas ng kanyang hita pataas sa kanyang pagkalalaki. Paglingon niya, nakita niya na si Mylene ang humahaplos at siya’y naghubad na ng suot niyang mahabang T-shirt. Wala palang panti at bra si Mylene sa ilalim ng kanyang T-shirt, samakatwid, hubo’t hubad siya at nakabukaka pa raw ang mga hita niya para ipakita kay Migs ang kanyang mabalahibong kuweba.

Inamin ni Migs na sa unang sulyap, nilibugan siya dahil nasa “Scorpio Nights” pa ang kanyang utak. Tumigas daw ang kanyang titi sa kakahimas ni Mylene at sa pagtanaw niya sa suso at puki ng kanyang anak. Subalit, ayon kay Migs, ito’y nagtagal lamang nang ilang segundo.
Umiral ang kanyang pagkaama kay Mylene, itinulak ang balikat ng anak, at sinigawan niya: “Anong katarantaduhan ang ginagawa mo, anak! Nasisiraan ka na ba ng bait? Bastos ‘yan! Kahayupan ‘yan! Baka nalasing ka na sa hinihithit mo!”

Pagkabigkas niya nito, isinara ni Migs ang telebisyon at pinatay niya sa titisan ang sigarilyong marijuana ni Mylene.

Wala raw reaksiyon si Mylene sa kanyang kasisigaw. Tiningnan lamang siya at tumawa. Lumapit muli si Mylene sa kanya at sinimulang muli ang paghahaplos sa kanyang ari. Hinimas din ni Mylene ng kaliwa niyang kamay ang kanyang suso, nginitian ang tatay niya at nagtanong: “Bakit, Migs, hindi ka ba nae-L sa akin?”

Hindi na raw napigilan ni Migs ang kanyang sarili at sinuntok niya si Mylene sa panga.

Nagalit si Mylene – tumayo, at nagsisigaw: “Putang-ina mo! Sige, suntukin mo ako at pangaralan mo pa! Magpanggap ka ngayon na tatay mo ako! Pagkatapos, nakawin mo ang ibinibigay kong pera para sa aking anak at isugal mo! Kunin mo ang lahat ng inipon ko sa pagpuputa sa mga Hapon at waldasin mo sa sabong! At saka takutin mo ako at pilitin mo akong magputa na naman sa Japan!”

Isterika raw si Mylene, habang ibinubuhos niya ang kanyang matagal nang naipon na sama ng loob kay Migs. Sabi pa raw niya: “Akala mo kung sino ka! Kunwari nabibigla ka pa sa ginagawa ko at tinatawag mong bastos at kahayupan! Anong itatawag mo sa ginawa mo sa akin pagkatapos kong madisgrasya kay Philip? Ang aking pagkakasala’y nanggaling sa pagmamahal! Nang pinilit mo ako na maging puta ay hindi pagmamahal, kundi pagsasamantala, ang nasa puso mo!

“Masahol ka pa sa mga bugaw kong Yakuza sa Japan! Wala silang responsibilidad sa akin. Ang tingin nila sa akin ay isa lang akong mahirap na dayuhan na puwede nilang apihin. Kung nalalaman mo lang ang ginawa nila sa akin doon. Ang panggagahasa! Ang panggugulpi! Ang pananakot! Ang pagtrato sa akin na parang animal! Akala mo ba, ipinamigay pa ako nang libre sa mga kaibigan nila at kinunan ako ng bidyo, habang kinakantot ako ng tatlong Hapon!

“Ayaw mong ipasok ang titi mong ‘yan sa kiki ko dahil nadudumihan ka! Dahil anak mo kasi ako, ano? Bakit, akala mo ba sa puki lang ako kinantot ng mga Hapon? Hoy, walang butas sa aking katawan na nakawala sa kanila, pati puwit ko, bunganga ko, pati tainga ko yata’y kinantot nila!

“Pero ikaw lang ang kumantot sa aking damdamin! At tatay pa kita! E, di kantutin mo na rin ako ng titi mo! Lubusin mo na ang pang-aapi mo sa akin! Huwag na tayong maglokohan dito. Tutal iyan din naman ang ginawa mo kay nanay, ah! Ginawa mo rin siyang puta! Hindi ba?”

Sa wakas, may nakaabot din sa puso ni Migs. Hindi ko pa nakitang umiyak ang kaibigan kong ‘yan, kahit noong ginulpi ‘yan ng kanyang tatay noong bata pa siya. Ngunit sabi niya sa akin, itinago niya ang mukha niya sa kanyang mga palad at humagulhol siya, habang minumura siya ni Mylene. Napakatindi raw ng naramdaman niyang awa sa kanyang kaisa-isang anak at pagsisisi sa kanyang mga kasalanan.

Nang huminto na sa pagmumura si Mylene, tumayo siya, malambing niyang niyakap ang kanyang anak, at, dahan-dahan, isinuot niyang muli kay Mylene ang T-shirt niya. Matagal daw nag-iiyak nang mahinahon si Mylene, habang nakapikit ang kanyang mga mata. Iniupo ni Migs si Mylene, habang yakap-yakap niya ang kanyang anak at idinuyan niya sa kanyang mga braso – kamukha noong gawain nila nang maliit pa si Mylene, hanggang nakatulog na ang kaawa-awang bata.

Matagal na matagal silang magkayakap sa sopa. At habang magkayakap sila at natutulog si Mylene sa kanyang mga braso, sinabi ni Migs na naunawaan niya, sa wakas, ang katotohanan ng kanyang pagkatao at ng situwasyon ng kanyang pamilya. Ang sinabi niya’y: “Ang mga tao’y parang mga gagambang nakakapit nang mahigpit sa sanga ng puno ng buhay. Ang gagambang mabuti’t masuwerte’y unti-unting umaakyat sa puno. Ang malas na gagamba naman ay pababa sa puno ang paglalakbay. Ang masamang gagamba ay nabibitawan ang sanga’t nahuhulog sa madilim na bangin ng kamatayan.

“Sa wakas, nakita ko, na ang damdamin ng tao’y katumbas ng mga paa’t kamay ng gagamba. Ginagamit ang mga ito sa pagkapit sa sanga upang maiwasan ang pagkahulog sa madilim na bangin. Ang mga positibong damdamin gaya ng awa, pakikiramay, pagkahabag, pakikipagkaibigan, pakikiisa’y malalakas na paa’t kamay na maaaring gamiting pangkapit sa sanga. Kahit ang negatibong damdamin, kamukha ng galit, ay maaari pa ring gamitin para kumapit sa sanga, kahit mas mahina ito.

“Naunawaan ko, habang kandong ko si Mylene, na ang malaking kasalanan ko’y hindi ang pagwaldas ng kuwarta ng pamilya, kundi ang paglustay ng aking tunay na damdamin sa aking asawa at dalawang anak – dahil sa kalamigan ng aking puso. Ito’y lumason sa damdamin nila sa akin at sa isa’t isa.

“Nakita ko na rin na, kung baga sa gagamba, ang pagmamahal ay ang sapot ng tao. Ito ang kinakailangan upang makagawa tayo ng mga tulay sa ating paglalakbay paakyat sa puno ng buhay sa pamamagitan ng paglipat-lipat sa iba’t ibang sanga. Lumabnaw ang sapot ng aking pagmamahal dahil sa kapabayaan, samakatwid, nawalan na rin ng sapot sina Juanita at Mylene.

“Tinanggap ko na ang katotohanan na lahat kami’y malapit nang makabitaw sa sanga, at mahulog sa bangin.”

Inumaga kami ni Migs, kahit hindi naman kami halos uminom. Doon ko unang natanto na si Migs pala’y nag-iisip din, at may nakatagong pagmamahal sa kanyang asawa’t anak. Inalok ko siyang magmaneho ng isang dyipni ko para may kitain at nang maalagaan niya ang kanyang pamilya. Ang sagot niya’y pag-iisipan daw muna niya at magulo pa ang kanyang utak.

“At diyan, pareng Jun, nagwawakas ang ating telenobela ngayong gabi. Sana’y naaliw ka, pare, para hindi mo naman ako sisihin dahil hindi ka nakapanood ng ‘Marimar.’ Uminom ka pa ng isang serbesa bago ka umuwi. Gusto mo pa ba ng pulutan?”

“Thank you na lang, Mang Doming,” sagot ni Jun, “pero mag-uumaga na at nagtitilaukan na ang mga manok. Ang galing mong magkuwento. Kinilabutan ako! Bago ako umalis, itatanong ko lang: Sa tingin mo ba’y may pag-asa pang magbago ang isang imbudo sa sugal kagaya ni Migs? Alam mo naman na walang disiplina ang mga sugarol na ‘yan at ang hanap nila’y puro pahapi-hapi lang.”

“Aywan,” sabi ni Doming. “Ngunit, sana naman mabago ni Migs ang landas ng kanyang buhay.”

Posted on Month December 5, 2008