HARI NG MGA UNANO

ni

ANTONIO A. HIDALGO


'TAWAG NILA SA AKIN AY ARNOLD SCHWARZENEGGER DIMAYUGA. 'Tong pangalan na ibinigay sa akin ni Itay. Siguro dahil sa malakas ako. O kaya'y dahil bagay ito sa aming apelyido, na ang ibig sabihin ay matibay. Kahit anupaman ang dahilan, nasisiyahan ako sa aking pangalan. May dating, di ba?

Totoong may natatawa sa aking pangalan. Nauunawan ko naman sila, kahit na sing-kitid ng sinasabing pasukan sa langit ang kanilang utak. Bakit, wala bang malalakas sa kagaya namin? Bawal ba kaming tumulad sa mga bida sa sine? Sila na lang ba ang makakagawa niyan?

Unano kasi ako, e. Dos piye at isang pulgada ang taas ko. Huwag mong limutan ang isang pulgada, dahil sa kalagayan ko, higit na mahalaga ang bawat pulgada. Ganito na ang taas ko noong kinse anyos pa ako. Beinte-siyete na ako ngayon.

Weyter ako noon sa Hobbitt House. Doon ako namasukan dahil hindi ako nag-iisa roon. Marami kaming maliit na TAO roon. Tandaan mo 'yan – maliit na TAO. Akala kasi ng iba riyan na ibang klaseng tao na kami, dahil lang sa aming sukat. Hindi totoo 'yon. Pare-pareho tayong lahat. Marunong din kaming magmahal at magsaya. Malumbay at magalit. Dugo rin ang sumisirit kapag kami'y nasugatan. Sukat lang ng katawan ang aming pagkakaiba. Katawan, di utak. Di ba sinabi ni Shakespeare na ang buhay ay isang kuwentong isinasalaysay ng isang idyota, puno ng ingay at matinding galit, subalit walang kabuluhan. May nagsasabi na ang gusto niya talagang tukuyin ay bulilit, di idyota, ang nagsasalaysay ng buhay. Pero hindi niya ginawa ito upang iwasan ang galit ng maliliit na tao. Di bale na ang mga idyota, na hindi naman makakabasa ng kanyang sinulat. Nakita mo? Nabasa ko si Shakespeare. Wala 'kong diperensiya sa ulo.

Ngayon na nagkakaintindihan na tayo, ikukuwento ko sa iyo kung paano ako naging big-time na sabungero. Nagsimula lahat ito isang gabi sa Hobbitt House. Dumating si Nestor Divinagracia at ang kanyang dalawang tsutsuwa, este, kaibigan pala, na si Oscar at Abet. Siyempre, sinilbihan namin ni Bernardo Carpio Abaya, ang aking matalik na kaibigan, ang mesa ni Nestor. Biniro nila kami habang umoorder.

"Gaanong kalaki ang San Miguel beer dito?" tanong ni Abet.

"Bote, lata, o keg?" sagot ko agad.

"Baka maliliit kasi ang order dito, e," sabi ni Abet, habang tumatawa.

Nakitawa na rin kami ni Bernard, dahil sanay na kami sa ganyan klaseng biruan. "Hindi, Sir, full portions, full service at full satisfaction po ang aming patakaran dito."

"Maliit din ba ang nagluluto?" tanong naman ni Oscar, habang nakangisi.

"Higante po, na malakas kumain," sagot ni Bernard, "kaya siguradong mabubusog kayo, kahit na ang kaibigan ninyong mataba."

"O, Abet," sabi ni Oscar, "sinabi ng pandak na baka hindi mo raw kayang ubusin ang isisilbi nila."

Tahimik lang si Nestor. Pero nakita namin kaagad ni Bernard na siya ang bos noong dalawa. Tiyak na siya ang magbabayad dahil siya lang ang may suot na sapatos na Bally at relos na Rolex Oyster Perpetual. Tumpak ang hula namin, pagkat pagkatapos magbiro ang dalawa, si Nestor ang umorder ng maraming pagkain at isang boteng Martell X.O. Cognac. Di kamukha ng mga tsutsuwa niya, hindi niya kami biniro.

Pagkakain nila, pinaupo kami sa mesa ni Nestor para makipag-inuman. Pero bawal 'to sa amin, kaya tumanggi kami ni Bernard. Ipinaliwanag na lang niya sa amin, habang nakatayo kami, kung ano talaga ang sadya nila sa Hobbitt House.

Big-time na sabungero pala si Nestor. Nagsimula siyang magpalahi ng mga bantam na panabong bilang eksperimento. Nahihirapan daw siya at ang kanyang mga tagapag-alaga sa mga bantam, dahil maliksi't mababa sila. Mahirap hulihin at mahirap ibitaw. Sumasakit na ang kanilang likod sa kayuyuko. Marami na raw siyang pamilyang bantam sa palahian at naghahanap siya ng tatlong maliit na taong mag-aalaga sa mga linyang ito.

"Wala po akong nalalaman tungkol sa sabong," 'ika ko.

"Di bale. Mas mabuti pa nga 'yon, e, dahil wala ka pang mga maling paniwala. Tuturuan kitang magsabong."

"Magkano ang isusuweldo ninyo? Mainam pong magbayad dito," sabi ni Bernard.

"Umpisahan natin sa doble ng kinikita n'yo rito. Puwede na ba 'yon? Pumasyal muna kayo sa manukan ko sa Lipa bago kayo magdisisyon. Baka magustuhan n'yo ang itsura. Kailan ba ang day-off n'yo?"

"Bukas," sabi ko.

"Ipasusundo ko kayo sa aking Tsedeng. Pakisulat lang ang tirahan n'yo."

Wow! Ang gara-gara talaga ng kotse ni Nestor. Maaga kaming sinundo ng drayber kinabukasan at mahigit dalawang oras kaming nagbiyahe papuntang Lipa. Pinaupo kami sa likod, at kayluwag-luwag doon, halos kasing-laki ng kuwarto namin ni Bernard. May remote ang CD at pinaglaruan muna namin ito. Nang nagsawa na kami sa kapapalit ng magagandang kanta, hinayaan na naming tumuloy ang paborito kong CD - 'yong Concert in the Park nina Simon & Garfunkel. Tumayo naman kami ni Bernard sa balat na upuan, upang matanaw namin ang mga niyugan ng Batangas sa bintana sa likod. Sa tuwa naming magkuwentuhan habang nakatingin sa labas ng bintana, hindi namin namalayang nakarating na pala kami sa manukan ni Nestor.

Pare, ang lawak ng lupain ni Nestor! Siguro mahigit daang ektarya. Sarisaring klase ang nagdaramihang puno. May lugar na niyugan, may lugar para sa mga punong-prutas, may konting palayan, may malaking gulayan, at may magandang bahay sa tuktok ng bundok na gawa ng binarnisang kawayan. Pambihira ang korte ng bahay na 'yon – parang templong Budista ng Intsik o Koryano.

Sinalubong kami ni Nestor at ng kanyang dalawang tsutsuwa at dinala kami sa palahian ng mga bantam. Talaga palang maliit sila. Kasukat namin sila dahil ang iniliit nila sa pangkaraniwang panabong ay siyang iniliit din namin sa ordinaryong tao. Kamukha rin namin, wala silang diperensiya dahil sa kanilang sukat. Parang mas mabilis at masigla pa nga sila sa mga pang araw-araw na panlaban ni Nestor.

Nasindak muna kami ni Bernard sa mga unang bitaw, dahil ang babangis ng mga bantam kung lumaban. Parang nais nilang patayin ang kalaban sa bawat palo. Kahanga-hanga ang lalim at tindi ng kanilang galit. Nainggit ako na kaya nilang ipahiwatig ang kanilang sama ng loob sa pamamagitan ng malulutong na suntok. Kung kaya ko lang gawin 'yon, matagal na sana akong naging panabong.

Hindi nagtagal bago kami natuwa ni Bernard sa mga bantam. Parang bagay na bagay sila sa amin. Minsan lang kaming tinuruan ni Nestor kung papaanong humuli at humawak ng panabong, 'tapos kami na ang nagbitaw sa kanila at umawat ng laban. Tawa nang tawa ang dalawang asungot ni Nestor nang nagbibitaw kami ni Bernard ng mga bantam. 'Buti pa si Nestor, pangisi-ngisi lang.

"Nahihilo ako sa bilis ng mga bantam at handler," 'ika ni tabang Abet.

"Puwede sa sirko ang mga ito," sabi pa ni kalbong Oscar.

Marami pa silang ibang masasakit na biro. Napigilan lang ang maliliit ang utak nang biglang ipinahinto ni Nestor ang pagbibitaw, dahil meron daw siyang naisip. Para palang tauhan sa komiks si Nestor kapag biglang nagkaroon ng idea. Kumiskislap ang kanyang mga mata, at nabubuhayan ang kanyang buong pagmumukha. Halos makikita mo ang bombilyang sumindi sa ibabaw ng kanyang ulo.

"Bakit hindi tayo magtayo ng panibagong sirkulo ng sabong?" 'ika niya habang nakatayo sa gitna ng ruweda na parang isang pulitiko at kami naman ay nakikinig sa tabi niya. "Paramihin natin ang mga bantam at hayaan nating mamili ang mga sabungerong naghahanap ng panibagong kilig sa sabong. Magpaggawa tayo ng sariling sabungan at maliliit na tari, baina at iba pang gamit. Lahat ng ating magiging kasador, kristo, handler, at iba pang tauhan ay dapat kasukat ni Arnold at Bernard. Mga bantam na panabong lang ang papayagang ilaban sa ating sabungan. Hindi ba napakaorihinal na idea ito? Siguradong makikiliti ang isip ng mga sabungero sa buong kapuluan at malaki ang kikitain natin mula sa plasada, bayad sa pinto, mga entry fee sa derby, pagbebenta ng pagkain, at porsiyento sa kikitain ng mga kristo't mananari."

Akala ng dalawang tsutsuwang ga-langgam ang utak ay nagbibiro si Nestor at nagtawanan sila. Pero nabasa ko agad na seryoso si Nestor, na kaya niyang kapitalan ang kanyang ideya, at saksakan ang dami ng posibilidad para sa amin ni Bernard ang kanyang sinasabi. Lintik, sino naman ang may gustong maging weyter habang-buhay?

"Kol, Bos. Ako na ang bahalang maghanap ng maliliit na tao. Kahit ilan ang kailangan ninyo'y kaya kong kalapin. Lahat kami'y madaling turuan, maliit lang ang katawan namin, di ang utak. Madali kayong magkakaroon ng mga kailangan ninyong tagapag-alaga, kasador, mananari, kristo, tagapangasiwa ng sabungan, tagaluto at tagasilbi sa karinderiya, at kung anupaman ang kailangan ninyo."

"Di pumasok na kayo kaagad sa akin. Kailangan nating iplano nang mabuti ang proyekto. Dalian natin, baka manakaw pa ang aking ideya."

"Okey, bukas dadalhin na namin ang aming mga gamit."

Tumingin ako kay Bernard at tumango siya. Kabisado niya ang likot ng aking utak, at naintindihan niya kaagad na pagkakakitaan namin ito.

Wala kaming ginawa sa mga sumunod na buwan kundi mag-alaga ng mga bantam, maghanap ng maliliit na tao upang yayaing sumali sa proyekto, magplano ukol sa pagtatag ng bagong sirkulo ng pagsasabong, at mag-aral tungkol sa pagpalahi, pagpalaki, pagpili, pagkundisyon, pag-ulot at pagtari ng mga bantam.

Komplikado palang magpalahi't maglaban ng mga panabong! Ang daming teoriya ni Nestor tungkol sa lahat ng bahagi ng pagsasabong. Kahit bagito ako, nakita ko na katarantaduhan ang ibang itinuturo niya sa amin – lalung-lalo na ang sobrang paghehersisyo ng panlaban at pagsaksak ng mga droga. Pero, bilib pa rin ako sa kanyang malikot at mapaglikhang pag-iisip. Malinaw na marami siyang pinag-aralan at ipinokus niya lahat ng kanyang kaalaman at guniguni sa pagsasabong. Pambihira siya dahil dito – sa palagay ko'y uniko siya sa buong mundo.

Madalas akong umikot sa mga lugar na pinupuntahan ng mga katulad kong maliit na tao. Halos nilimas ko ang mga tauhan ng Hobbitt House. Binunot ko ang aking mga kamag-anak sa perya sa Roxas Boulevard at sa sirko sa ParaƱaque. Sinulatan ko ang mga iba ko pang kaibigan at kamag-anak sa probinsiya. Tinulungan ako ni Bernard at kinuha rin niya ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak. Nagulat na lang si Nestor nang biglang dumami ang maliliit na tao sa kanyang palahian. Hindi raw niya akalaing marami palang kagaya namin ni Bernard sa bayan natin. Kulang-kulang sa sandaang maliit na tao ang kinalap namin sa loob ng tatlong buwan.

Nagtaka rin si Nestor na nakatapat siya sa akin ng kamukha niyang malikot ang isip at walang-pagod sa paglilikha, pagpaplano't pagtalakay ukol sa proyekto. Madalas kaming umagahin ni Nestor sa pagbuo ng bagong sirkulo ng sabong. Nakuha ko rin ang loob ng kanyang magandang asawang si Katrina. Kalahating Olandes si Katrina at malambot ang kanyang puso sa mga kaawa-awang katulad kong unano. Pumalakpak ang tainga ko nang ipinagtapat ni Nestor sa akin na ako lang daw ang nakapagpasuko sa kanya sa diskusyon tungkol sa pakana sa pagsasabong. Malayung-malayo raw ako sa mga kaibigan niyang sabungero, kamukha ni Oscar at Abet, na pangkaraniwang mag-isip at kulang sa imahinasyon. Napansin kong bihira nang pumasyal sa palahian ang dalawang tsutsuwa. Siguro naramdaman nilang tinatabangan na si Nestor sa kanila, at ako ang parati niyang gustong kausapin.

Doon ko unang namalayan na malapit ko nang mahuli ang aking among tunay. Kumagat siya sa aking kawil na may pain nang iginalang niya ang aking talino, at huminto siyang matuwa sa aking kapandakan.

Bilang pag-ensayo ng plano ni Nestor na magtatag ng bagong sirkulo ng pagsasabong ng bantam, nag-organisa ako ng derby ng bantam sa manukan sa Lipa. Kinundisyon namin ang dalawampung panlaban at bumuo kami ng limang entry para sa 4-cock derby. Pinares-pares namin ang mga bantam batay sa blind matching na sistemang ginagamit sa mga karaniwang derby. Kami ang nagtari, nagbitaw at nagsentensiya. Maghapong naganyak si Nestor sa aming derby. Ang aking entry ang nagkampiyon – nanalo ako nang tatlong laban at tumabla ako sa huling sultada.

Tuwang-tuwa si Nestor sa aming matagumpay na derby. Nagpasiya siya, roon mismo, na handa na kaming magpatayo ng sariling sabungan para sa mga bantam. Kumuha siya ng arkitekto at ipinapatag niya ang kanyang lupaing humigit-kumulang na isang ektarya sa dakong labas ng lunsod ng Lipa. Nagtayo rin siya ng joint checking account naming dalawa sa BPI sa Lipa, at pinondohan niya ito ng isang milyong piso. Ito raw ang gagamitin namin sa pagpatayo ng sabungan.

"Kailangan 'kong lumakad muna sa Amerika," ang sinabi ni Nestor sa akin isang gabi habang kami'y nag-iinuman ng cognac.

"Gaano kayo katagal mawawala, Bos?" tanong ko.

"Anim na buwan. Kasama ko si Katrina. Hahanap kami ng kabakas sa pagpatayo ng malaking paggawaan ng mga kasangkapan sa panggagamot dito sa Maynila. 'Yan ang linyang pinag-aralan ng asawa ko sa Europa."

"’Paano ang proyekto natin?"

"Ikaw na ang bahala. Malaki ang tiwala naming mag-asawa sa 'yo at 'yong tropa. Basta't huwag mo lang gawin na masyadong en-grande ang sabungan. Magsimula muna tayo nang maliit, okey?"

"Hindi kayo magsisisi sa inyong pagtitiwala. Aapurahin ko ang pagpatayo ng sabungan, upang magkaroon tayo ng inagurasyon sa inyong pagbalik. Ite-text ko sa inyo ang progreso ng proyekto."

Pinangatawanan ko ang pagpatayo ng sabungan, at natapos ito bago bumalik si Nestor at Katrina. Tuwang-tuwa sila nang ibinalita ko ito. Bumilib sila na kalahating milyon lang ang aking nagastos sa pagpatayo ng sabungan. Inutusan ako ni Nestor na ihanda ang inagurasyon. Ipinaimbita niya si Senador Ralph Recto at Mayor Vilma bilang mga pangunahing panauhin na magpuputol ng ribon. Ipinaimbita rin niya ang lahat na kakilala niyang big-time na sabungero, gaya ni Nene Araneta at Patrick Antonio; at mga may-ari ng mga sabungan, kamukha ni Louie Mendoza, ang may-ari ng Pasig Square Garden, at mga magkakapatid na Liamzon, ang may-ari ng dating Ibayo sa Marikina. Halos isang libong tao ang ipinaimbita niya sa inagurasyon.

Dumating si Nestor at Katrina kinagabihan bago mag-inagurasyon. Sinalubong ko sila sa paliparan at inihatid sa bahay nila sa San Lorenzo Village sa Makati. Kinabukasan, pumasyal si Nestor sa manukan sa Lipa. Hindi na sumama si Katrina dahil pagod pa siya sa biyahe. Nasiyahan si Nestor na maayos naman ang kanyang palahian, at walang problemang hindi ko nalutas habang wala siya. Doon kami nananghalian at marami siyang kinain sa ipinahanda ko. Sabik daw kasi siya sa pagkaing Pinoy dahil matagal siyang nawala sa bayan. Nagpahinga lang kami nang konti bago kami dumiretso sa inagurasyon ng bagong sabungan nang bandang alas-tres ng hapon.

Napakarami nang tao sa entrada ng sabungan, kasama na roon si Senador Ralph at Mayor Vilma. Hindi muna bumaba si Nestor sa Tsedeng upang batiin ang kanyang mga bisita. Matagal siyang natulala habang nakatitig sa bagong sabungan. Pagkatapos, minura niya ako.

"Putang-ina mo, Arnold, bakit parang bahay ng manika ang ipinaggawa mong sabungan? Hindi makakapasok ang normal na tao riyan! Pagtatawanan ako ng aking mga kaibigan!"

Siyempre, naggalit-galitan din ako.

"Huwag kayong magmura, Bos! Sinunod ko lang ang inyong mga utos. Hindi ba sabungan ng mga bantam ang gusto n'yo? At mga unano lahat ang mga tauhan? Di kasukat nila ang sabungan – tres piye ang taas ng mga pintuan. At sabi n'yo pa na ayaw n'yong en-grandeng sabungan, gusto n'yo maliit lang!"

Pagkabulalas ko nito, nagmadali akong bumaba sa kotse bago ako masakal ni Nestor.

Sa wakas, bumaba na rin si Nestor pagkaraan ng ilang minuto. Sinalubong siya ng malakas na tawanan ng mga bisita. Maghapon siyang kinantiyawan sa inagurasyon. Meron ding nagalit sa kanya. Inakusahan siya ng isang manunulat tungkol sa sabong na insulto sa lahat ng sabungero ang kanyang sabungan. Patalinghaga raw niyang ipinapahayag sa buong mundo, sa pamamagitan ng kanyang minyaturang sabungan, na ang sabong ay isang estupidong laro ng mga bulilit ang utak.

Nagkaroon ng masamang budhi si Bernard noong gabing iyon. Tinanong niya ako: “Kaawa-awa naman si Nestor dahil sa teribleng kahihiyan na dinanas niya. Bakit mo naman ginawa ‘yon?”

Pinatahimik ko siya agad sa aking sagot: “Bakit? Meron bang nabubuhay na Filipinong di bansot ang puso’t utak? Sira rin ‘yang si Nestor. Karapat-dapat lang ang ginawa ko sa kanya.”

Pinalayas kaming lahat ni Nestor kinabukasan. Ipinadala na rin niya sa amin ang lahat ng mga bantam sa kanyang palahian. Isunusumpa na raw niya ang lahat ng mga pandak na bagay sa mundong ito.

Binili ko sa kanya ang bagong sabungan. Noong una, nagalit siya sa turing kong sampung libo, kasama na ang lupa. Pero pumayag na rin siya pagkatapos ng isang linggo, dahil wala naman siyang gagawin sa sabungan na para sa maliliit na tao lamang at masyadong magastos naman kung ipabubuwag pa niya ito. Nakatulong dito ang kanyang mga tsutsuwang si Abet at Oscar, kahit galit sila sa akin. Pinayuhan nila si Nestor na mabuti pang ipagbili na lang sa akin ang sabungan kaysa maging hari pa siya ng mga unano.

Ginawa kong sentro ng maliliit na tao ang sabungan. Pinarami ko ang mga bantam ni Nestor at nalibang kami sa paglalaban sa kanila. Kung ang sabong ay laro ng pandak ang utak dahil lahat ng sabungero'y natatalo, bakit hindi puwedeng magkaroon ng sariling sabungan ang mga tunay na unano?

Nagtayo rin ako ng mga restawran, masahihan, disko at karaoke para sa maliliit na tao sa loob ng sabungan. Halos lahat ng maliliit na tao sa ating bayan ay naging parokyano ko.

Sa labas naman, nagtayo ako ng malaking restawran at mga souvenir shop para sa mga ordinaryong tao – ‘yon bang mga mas mataas at malaki sa amin, subalit lampa. Binuksan ko ang bubong ng sabungan at nilagyan ko ng hagdanan sa labas paakyat sa bubong. Nilagyan ko ng mga upuan ang bubong, upang makapanood ang mga ordinaryong tao ng kataka-takang sabong ng mga unano.

Limpak-limpak ang dumating na turistang Pinoy at dayuhan. Umapaw ang kita sa aking maliliit na bulsa.

Ganyan ako naging big-time na sabungero.

Mula sa Ang Masayang Mundo ni Nestor D ni Antonio A. Hidalgo (Milflores, 2001).

Posted on November 23, 2008