ANG MUSIKA NG GABI

ni

ANTONIO A. HIDALGO



UMIIHIP ANG NAGPAPAGINHAWANG AMIHAN MULA SA SIERRA MADRE sa ilang na bayan ng San Miguel, Bulacan nang unang dumating si Leo Gimeno sa Magiting Gamecock Farm ni Oscar Bernardo sa kalsadang Tecson. Katapusan na ng Oktubre noon, sa wakas, lumamig na rin ang mabanas na panahon, at ang amihan ay pinagagalaw nang mahinay ang dahon ng mga puno ng niyog, mangga, duhat, dama de noche at iba pa sa maluwag na hardin kung saan nakatulos ang mga panabong ng Magiting sa tabi ng maraming tuwid na hanay na triyanggulong playwud – ang tinatawag na teepee ng mga sabungero – na bumubuo ng pambihirang dibuhong guhit na lumilihis sa dibuhong likas ng napakaraming malusog na puno’t halaman sa palahian ni Oscar.

Dahil sa mahinahong amihan, ang mga mabalahibong panabong sa palahian ay hindi na nagtatago mula sa nakakapritong init ng araw sa kanilang teepee at hindi na humihiga sa malamig na lupa habang nakanganga’t nakalatag ang pakpak; hindi, ngayon ay walang-hinto silang kumakahig ng lupa sa paligid ng teepee, pumuputak sa mga inahin sa mataas na boses upang ipahiwatig na nakahanap sila ng malinamnam na bulate o uod, o kaya’y nagmamagilas sila sa paglakad, naghahanap ng bakbakan at maya’t maya’y tumitilaok upang hamunin ang katabing panlaban, habang humihila sa tali para makawala upang sugurin ang kinasusuklamang karibal sa mga dumalagang nakakawala sa hardin.

Ang apat na tagapag-alaga ng daan-daang panabong ay nagtiis din ng mahaba’t maalinsangang tag-init ng taong El NiƱo, kamukha ng mga hayop at tanim sa palahian, at sila man ay nakilahok sa pagbabago ng natigang na lupa – una, mula sa maikling tag-ulang nagtagal nang ilang linggo lamang; at, pagkatapos, mula sa maaliwalas na amihang nagpapahiwatig ng pagdating ng Disyembre at ang panibagong pagsibol ng kagalakan sa pamamagitan ng Pasko. Nakasiyorts, nakayapak at hubad ang dibdib, masigasig nilang inasikaso ang kanilang mga alaga, masigla silang nagkuwentuhan habang nilibot nila ang palahian upang hulihin ang mga panabong para inspeksiyunin ang mga tumutubong balahibo pagkatapos ng lugon sa panahon ng pagbabago, upang sila’y timbangin at tingnan ang kalagayan ng kanilang tali, teepee, at lalagyan ng pagkain at tubig.

Pumito si Leo ng popular na kanta ni Jude Michael, “Mula sa Puso,” habang siya’y naglakad sa nakaangat na landas na gawa ng siniksik na lupa na pinalibutan ng mga hollow block, ang daanang bumibiyak ng hardin at tumutungo sa konkretong tirahan ng mga tagapag-alaga sa likod ng palahian. Ang kanyang itinatanging gitara’y nakasakbat sa kanang balikat at siya’y may dalang maliit na maletang naglalaman ng kanyang damit, teyp ng musika, at bitbiting cassette player sa kaliwang kamay. Huminto siya sa gitna ng daanan upang kumaway kay Lando at magpakilala, habang ang huli’y sinusubuan ng bitamina ang nakangangang tuka ng isang panabong.

“Kumusta, ako’y si Leo Gimeno galing sa Naga, kinuha ni Bos Oscar para tulungan kayong mag-alaga ng panabong,” ‘ika niya bago ilabas ang kanang kamay para kumasa kay Lando.

Inilapag ni Lando ang kanyang hawak na panlaban at kumasa siya sa kamay ni Leo. “Ako naman si Lando Solis mula sa Bacolod. Welcome sa palahian! Tara, ipakikilala kita kay Ramil Caceres, ang ating kapatas.” Magkahawak sila ng kamay tumungo sa kanilang tirahan, kung saan nagpapakain si Ramil ng mga sisiw sa loob ng kulungang pinalibutan ng iskrin. Tumigil sa trabaho si Ramil upang batiin si Leo at kunin ang kanyang kamay para dalhin sa mahabang kuwarto na parihaba’t may malamig na sementong sahig at yerong bubong kung saan natutulog lahat ng katulong at ang guwardiya sa gabi ng palahian.

“Heto ang iyong tiheras, kumot, unan at kulambo. Ilagay mo ang iyong gamit sa ilalim ng tiheras. Ang mga plato’t kubiyertos ay nasa mesa sa kanto, kung saan lahat tayo’y kakain. Inasal na manok, estilong Bacolod, ang ating tanghalian. Kumatay kami ng sobrang inahin ngayong umaga. Lulutuin ko sila maya-maya. Taga-Bacolod ako, gaya ni Lando, at sana’y magustuhan mo ang aking pagluluto. Ang tatlo pang nakatira’t nagtatrabaho rito’y si Rey Capul, mula sa Iloilo; Gil Palma, galing Samar; at Frankie de Guzman, mula sa Mindoro – siya ang guwardiya sa gabi. Makikilala mo silang lahat pagkain natin ng tanghalian. Mabait silang lahat,” ang sinabi ni Ramil kay Leo, habang nakaupo sila sa tiheras ni Leo.

“Ikinalulungkot ko na wala akong nalalaman tungkol sa panabong o sa sabong, kuya Ramil,” nagtapat agad si Leo. “Pero sinabi ni Bos Oscar na okey raw ito dahil tuturuan niya ako.”

“Huwag kang mag-alaala. Wala rin kaming alam nang kami’y nag-umpisa rito. Tutulungan ko si Bos Oscar sa pagtuturo sa iyo. Dalawang taon na ako rito. Magpahinga ka nang sandali. Tatawagin na lang kita pag handa na ang tanghalian,” ang mabait na sagot ni Ramil bago siya umalis para magluto.

Umupo muli si Leo sa kanyang bakal at plastik na tiheras paglisan ni Ramil at mapangarap siyang tumanaw sa mga umiimbay na dahon ng matataas at matatandang puno ng niyog gawa ng pag-ihip ng amihan. Ikinakuwadro nila ang magara at antigong mansiyon sa kabilang dulo ng palahian, malapit sa kalsada, kung saan nakatira si Bos Oscar; ang magagandang linya ng mansiyon, matitingkad na kulay at matarik na bubong ay pinalitaw ng makapal na dahon ng mga nakapalibot na napakataas na mga puno ng is-is, kaimito at dama de noche. Nagpasiya si Leo na gustung-gusto niya ang magandang lugar at mababait na kasamahan at sumumpa siyang gagawin ang lahat ng kanyang makakaya sa pag-aalaga ng mga tinali.

Nang gabing iyon, pagkatapos nilang maghapunan, naglabas si Ramil ng malaking bote ng Ginebra San Miguel, iyong tinatawag na kuwatro kantos, at umupo silang lahat sa mesa sa ilalim ng nakasinding hubad na bombilya upang mag-inuman at magrelaks pagkatapos ng trabaho. Hindi talaga umiinom si Leo, pero lumagok siya ng konting gin tuwing siya’y inaalok para hindi siya maiba. Hindi nagtagal, natunaw ng gin ang kanyang hiya at nakipagbarkada na siya sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga bastos na kuwento’t pagsabay sa pagtatawa rito.

Kinanta ni Lando ang “Usahay,” ang bantog na awit ng mga Cebuano ukol sa pagmamahal, at inanyayahan niya ang lahat na sumama sa pagkanta. Medyo nawala si Lando sa tono, kaya inilabas ni Leo ang kanyang gitara upang sabayan si Lando at ibalik sa tamang nota. Ginanahan ang mga katulong dito at malakas ang kantahan nang halos isang oras, habang umaalalay si Leo sa kanyang gitara. Nang naubusan ng awit ang grupo, si Leo na lang ang kumanta ng mga kundiman na Tagalog gaya ng “Dahil sa Iyo” at “Ikaw.” Nasa kondisyon ang kanyang boses, pinuri ng barkada ang kanyang maramdaming estilo at pinakiusapan siyang kumanta pa ng ibang awit. Pinili ni Leo ang “Mula sa Puso,” ang bantog na awit ni Jude Michael, bilang kanyang pangwakas, dahil ito ang kanyang kasalukuyang paborito. Pumalakpak at pumito ang mga tagapag-alaga nang siya’y matapos. Pinabalik nila sa pag-awit si Leo, habang inuubos nila ang natitirang gin. Kinanta ni Leo ang isa pang awit ng kanyang idolong si Jude Michael, “Ang Iyong Pag-ibig,” bago sila matapos mag-inuman at maghandang matulog.

Malalim ang tulog ni Leo noong gabing iyon, bumaluktot siya na parang bilig sa loob ng kumot dahil sa ginaw, at nangarap siya tungkol sa mga kalugud-lugod na bagay na hindi niya matandaan sa kanyang paggising dahil preskung-presko ang kanyang pakiramdam at siya’y nananabik mag-almusal.

Marubdob ang dinanas ni Leo sa mga sumunod na linggo, habang siya’y nag-aral ng pag-alaga ng mga teksas na tandang, inahin at sisiw. Medyo nalito siya sa kanyang kataka-takang nakita at kakaibang impormasyon na pasumalang pumasok sa kanyang utak habang nagtatrabaho, ngunit binuhay rin nito ang kuryusidad ni Leo at inakit siyang gumalugad ng kabigha-bighaning mundo ng sabong.

Natuklasan niya na ang mga istag na nagbibinata sa edad na apat o limang buwan ay ibinubukod, upang hindi sila lumaban nang patayan bago dumating ang kanilang itinakdang panahon; ikinukulong sila sa scratch pen na may sahig na puting buhangin upang mahehersisyo ang kanilang hita sa pamamagitan nang paghalukay, na may kahoy na hapunan sa gitna na apat na piye ang taas, kung saan sila madalas tumuntong para tumilaok at sa ganitong paraan palakasin ang kanilang pakpak, at may bubong na yero upang hindi sila tamaan ng mainit na araw o mabasa sa ulan. Napansin niya na mabangis pala ang mga inahing teksas at madalas nilang ipagmalaki ang kanilang mataas na katayuan sa kawan sa pamamagitan ng biglang pagtuka o mabangis na pagsipa sa nananahimik na mas mababang inahin, habang sila’y gumagala sa palahian. Natutunan din niya na maagang lumitaw ang personalidad ng mga sisiw, bago pang tumubo ang kanilang balahibo; ang iilan ay nagtatanghal ng kanilang liderato sa pamamagitan ng mabagsik na panunupil at abenturerong paggalugad ng pinakatagong dako’t sulok ng palahian, at ang karamihan naman ay matapat na sumusunod sa kanilang piniling idolo kung saan man pumaroon ito, habang ginagaya nila ang bawat kilos at ingay nito.

Nilagyan ng numero ang bawat kulungan at teepee at ang mga sasabungin na nakatira rito’y may mga malabayaning pangalan gaya ng Sultan, Prinsipe, Datu at Hari; kakaibang pangalan kamukha ng Volare, Guniguni, Ani at Tot; at nakatatakot na pangalan gaya ng Upak, Saksak, Killer at Polpot. Ipinaliwanag ni Bos Oscar sa mga Boy na nilikha niya ang masalimuot na sistema ng pagbigay ng numero sa lahat ng kinalalagyan ng manok at ng pangalan sa lahat ng tinali at ipinasok niya ang sistema sa kanyang computer sa bahay, upang lagi niyang malaman kung nasaan ang bawat panabong sa kanyang palahian. Tuwing regular na araw, mula alas-diyes sa umaga hanggang tanghali, inilabas ni Bos Oscar ang kanyang polder ng talaan mula sa computer, ipinares niya ang mga panabong batay sa kanilang timbang, inutusan niya ang mga Boy na kunin ang mga panlaban mula sa presisang kulungan o teepee, isinuot niya ang maliliit na glab sa matulis at matigas na tahid ng mga panabong, at ibinitaw sila nang dalawang beses nang eksaktong treinta segundos kada bitaw – ang tagal ng bitaw ay itinakda ng stopwatch na hawak ni Bos Oscar. Pagkayari ng bawat bitaw, minarkahan ni Bos Oscar, na parang guro, ng grado ang nagsalpukang panabong sa kanyang talaan batay sa kanilang galing sa bitaw, itinalakay niya sa mga Boy ang abilidad sa paglaban ng binitawang tinali, at, paminsan-minsan, inutusan niya ang mga tagapag-alagang magbigay ng espesyal na hehersisyo sa panabong o kaya’y palitan ang kanyang diyeta.

Nabahala si Leo sa sistema ng pagmarka ng grado’t ang asal ni Bos Oscar na parang istriktong guro dahil naalaala niya ang kanyang pag-aaral sa Naga, kung kailan huminto siyang pumasok sa ikalawa niyang taon sa hayiskul gawa ng hindi niya matupad ang gawaing iskuwela kapag may gurong nakabantay sa kanya, may hawak na pluma at talaan ng grado, at nananabik humatol sa pinakamaliit niyang pagkakamali. Parati siyang ninenerbiyos sa ganitong situwasyon dahil ipinaalaala nito sa kanya ang kanyang walang-hintong pagpalpak sa pag-aaral sa iskuwela at sa mga palakasan ng estudyante gawa ng kanyang malubhang disbentaha, sapagkat hindi siya makapagbasa nang matagal at ang katawan niya’y mababa at payat. Natakot siya na, balang araw, hindi lang ang mga panabong ang mamarkahan ng grado ni Bos Oscar, baka markahan na rin niya ang mga tagapag-alaga, batay sa kanilang lakas, resistensiya at galing sa pag-alaga.

Ngunit panandalian lang ang kanyang mga pangamba – mabait naman sa kanya si Bos Oscar at iniligtas siya ng kanyang mga kasamahan sa manaka-nakang mabigat na pagbubuhat ng teepee o natumbang puno gawa ng malinaw na mahina ang kanyang katawan; sa katotohanan lang, nagustuhan siya ng kanyang mga kasama dahil siya’y mahinahon at laging handang tumugtog ng gitara at kumanta sa gabi upang libangin sila at ito ang isa sa mabibilang na panahon sa kanyang buhay kung kailan hindi siya naging target ng panunupil o magaspang na biruan ng barkada. At nasindak siya sa tindi ng mga panabong kapag nagsasalpukan; naramdaman niya ang kanilang galit at poot tuwing sila’y lilipad nang mataas upang bagsakan ang kalaban at ibuhos ang lahat ng kanilang lakas sa pakpak at hita sa mga rapidong palo, o kapag sila’y nagbitaw ng masidhing siyapol sa pamamagitan ng mahigpit na pagkapit sa pulok ng kalaban, paghila nitong papasok habang umuupo sila sa kanilang buntot, at walang-hintong pagpagaspas ng pakpak at paulit-ulit na pagsipa nang matulin na parang nasisiraan ng bait. Natuwa si Leo sa walang-hiyang kayabangan ng mga panabong pagkatapos ng salpukan, kung kailan napakalakas ng kanilang pagtilaok at pagputak upang ipagmalaking nanalo sila at tuyain ang kalaban, dahil wala siyang ganitong ugali at siya’y naakit sa mga panabong katulad ng pagkaakit ng magkabaligtad na polo ng koryente sa isa’t isa.

Isinama ni Bos Oscar si Leo sa three-cock derby sa sabungan ng San Rafael pagkalipas ng isang buwan. Humanga si Leo sa konkretong gusali at sa komportableng mga upuan na may kutson para sa tahur, dahil ang nakita niyang mga sabungan sa kanyang bayan ay gawa lamang ng kahoy at walang ganoong upuan, mahahaba’t matitigas na bangko lang ang ginagamit ng mga mananaya. Bumilib siya sa rami ng mga potahe’t kakanin sa mga karinderiya sa unang palapag at sa mamahaling baro ng mga sabungero, pati na ang mga tagapag-alaga ng iba pang palahiang sumali sa paligsahan.

Lumaban si Upak sa ruweda, ang kanilang unang panabong, na may tunay na tari. Napukaw si Leo nang winasak ni Upak ang kalaban sa unang lipad sa pamamagitan ng isang suntok na tumama na parang bomba at nang kumolapso ang kalaban sa gitna at ito’y biglang naging isang bungkos ng gusut-gusot na balahibo na lamang. Walang kakurap-kurap siyang tumitig sa sentensiyador, habang inangat nito ang dalawang panabong – ang walang sugat at nababalisang Upak at ang nangingisay at namamatay na itim na kalaban – upang patukain nang dalawang beses si Upak. Ngayon lang nakakita si Leo ng kamatayan at ang eksena, kasama na ang malakas na hiyawan ng tao, ang sigaw ng sentensiyador sa kanyang paghatol, ang maanghit na amoy ng lupang sahig ng ruweda, ang maalat na amoy ng dugo sa tari ni Upak, at ang mabigat at mausok na hangin sa ruweda kung saan siya nakatingkayad sa isang kanto – lahat ito’y lagi na lang sasagi sa kanyang utak habang siya’y nabubuhay.

Nanalo ang lahat ng tatlong panabong ng Magiting Farm at naging kampiyon ang entry ni Bos Oscar kasama ang dalawa pang entry. Malaki ang pagsasaya sa asotea ng palasyo ni Bos Oscar pag-uwi nila nang bandang alas-dos ng madaling araw. Inabutan ni Bos Oscar ng balato ang lahat ng mga Boy, pati na ang bantay sa gabi, at naglabas siya ng isang kaha ng serbesa. Pagkatapos nilang buhaying muli ang mga panalo ng kanilang alagang panabong sa pamamagitan ng kuwentuhan, hiniling ng mga kasama niya na kunin ni Leo ang kanyang gitara upang aliwin sila ng awit. Karaka-rakang pumayag si Leo at kinanta niya ang dalawang paboritong awit: “Ang Iyong Pag-ibig” at “Mula sa Puso” ni Jude Michael. Napakadalas na niyang pinakinggan ang mga kantang ito sa kanyang cassette player at memoriyado na niya ang lahat ng kanilang sayusay at nota at kaya na niyang ilipat ang sayusay sa piyano ng saliw ng unang awit sa kanyang gitara at gayahin nang walang kamali-mali ang sayusay sa gitara ng ikalawang kanta; binanat niya nang husto ang pinakamatataas na nota ng kanyang boses, kamukha ng ginagawa ni Jude Michael, upang bigyang-diin ang damdamin ng mga awit.

Bumilib si Bos Oscar sa pag-awit ni Leo at wika niya: “Ang galing mo, Leo. Bakit hindi ka sumali sa paligsahan ng kanta sa Pamaskong Perya ng San Miguel sa darating na linggo? Malay natin, baka manalo ka?”

“Hindi po. Hindi sapat ang aking galing para sumali sa paligsahan. Pero salamat, sir, sa inyong pagpuri,” ang nahihiyang sagot ni Leo.

“Tama ka na. Masyado kang mapagkumbaba,” namilit si Bos Oscar. “Panahon na ngayon ng globalisasyon at uso na ang magpaligsahan. Lahat tayo’y kailangan nang lumahok sa paligsahan – gaya ng mga panabong ng Magiting Farm. Isali mo si Leo sa paligsahan ng perya,” ang iniutos niya kay Ramil.

Masiglang sumang-ayon ang mga boy sa desisiyon ni Bos Oscar at hinimok nila si Leo na sumali sa paligsahan. Naunawaan ni Leo na nabitag na siya at wala na siyang ibang magagawa kundi pumayag.

Masunuring itinupad ni Ramil ang utos ni Bos Oscar pagkaraan ng dalawang araw. Para kay Leo, parang kidlat dumaan ang buong linggo bago ganapin ang paligsahan, dahil wala na siyang ginawa sa kanyang libreng oras, kundi pakinggan ang teyp ni Jude Michael, “problemang puso,” sa kanyang cassette player upang sabayan ito sa kanyang gitara at pag-awit. Malubha ang nerbiyos ni Leo tungkol sa darating na paligsahan at nagpasalamat siya na mukhang hindi ito napansin ng kanyang mga kasama at parang inakala nilang normal lang para sa mang-aawit na sasali sa paligsahan ang kanyang labis na pagsasanay. Tuwing mag-iinuman sila sa gabi, kasingdami na ng ibang Boy ang ininom ni Leo upang pawiin ang kanyang nerbiyos, subalit hindi rin napansin ito, dahil hindi naman ito binanggit sa kanya ng iba pa niyang kasamahan.

Nang dumating, sa wakas, ang kakila-kilabot na gabi ng paligsahan, isinuot ni Leo ang kanyang pinakamagarang T-shirt na kulay-puti na may dibuhong kulay-marun, pantalong maong, at kaisa-isang balat na sapatos. Muntik na niyang malimutan ang kanyang gitara nang lumakad sila patungong perya pagkatapos ng hapunan, pero kinuha ito ni Lando mula sa kanyang tiheras, idinuldol sa kanyang kamay, at pabirong nagtanong kung natandaan ni Leo na isuot ang kanyang brief.

Malamig at sariwa ang hangin noong gabing iyon sa patyo ng antigong simbahan ng San Miguel, katapat ng munisipiyo, kung saan ginanap ang Pamaskong Perya. Umaapaw sa tao ang patyo, halos nagliliyab ito mula sa daan-daang nakasinding bombilya, may puti at may sarisaring kulay, na nakasabit sa mga kahoy na poste, at pinalamutihan ng makukulay na palawit na papel. Natutuwang lumibot ang mga kasama ni Leo upang tumingin sa mga kubol na nagbebenta ng mga damit at abubot, sumali sa laro gaya ng basketbol na may premyong manika kung maisiyut ang tatlong bola mula sa maikling distansiya, at tumingin na may pagnanasa sa mga dalagang namamasyal at nagkukunwaring hindi nila napapansin ang mga titig ng mga naglalaway na binata. Natakot si Leo kaysa matuwa sa kasiyahan ng perya dahil malakas ang kanyang kutob na siya’y papalpak sa paligsahan gawa nang parati na lang siyang napapahiya tuwing napipilitang sumali sa kompetisiyon. Ang mga amoy mula sa pawis ng dumagsang tao, sa usok ng mga nilulutong barbikyu, at paminsan-minsang pumuputok na rebentador ay sumalakay sa kanyang ilong habang hinihintay niyang ganapin ang paligsahan at may kumikirot na teribleng kilabot sa kanyang puso. Maaskad ang mga amoy at naisip ni Leo na kawangki nila ang mga amoy sa sabungan ng San Rafael noong sumali sila sa derby.

Sa wakas ay nagsimula ang kinatatakutang paligsahan at si Leo’y medyo natuliro nang marinig niyang tinawag ang kanyang pangalan bilang unang mang-aawit.

“At ngayon, para umpisahan ang ating pinakahinihintay na paligsahan sa pagkanta, ibibigay ko sa inyo si Leo Gimeno, ang bata at matalinong mang-aawit na Bikolano mula sa Magiting Farm ni Mr. Bernardo! Umakyat ka rito, Leo. Anong aawitin mo para sa amin ngayong gabi? Sinabi sa akin ni Mr. Bernardo na napakagaling mo raw,” ang pahayag ng emcee sa mikropono.

“’Mula sa Puso,’ kanta ni Jude Michael,” ang ibinulong ni Leo sa mayk pagkatapos siyang itulak sa entablado ni Ramil.

Tumanaw sa dumagsang tao si Leo mula sa entablado at nanigas siya dahil sa takot. Hinanap niya si Bos Oscar, pero hindi niya nakita. Natuwa siya na wala roon si Bos Oscar. Pinaglaruan niya nang sandali ang kanyang gitara, na kunwari’y itinotono niya. Nang hindi na niya mapigilan ang di-maiiwasan, sa wakas ay itinaas niya ang kanyang mukha sa mayk at nagsimula siyang kumanta.

Nagkamali ng sayusay si Leo sa kanyang gitara sa simula ng kanyang awit. Tumawa siya dahil sa nerbiyos at muli siyang nag-umpisa. Nanigas ang kanyang lalamunan at talipyang lumabas ang kanyang boses sa mga unang nota. Tumingin siya sa mga nanonood at nakakita siya nang ilang taong nagkukuwentuhan at tumatawa. Sinubukan niyang abutin ang mataas na nota sa gitna ng kanta at pumiyok ang kanyang boses. Nabigla ang isang dalaga sa tapat ng entablado at sumigaw siya ng: “Ai!” Tinakpan agad ng dalaga ang kanyang bibig nang tiningnan siya ni Leo. Nakabawi naman nang konti si Leo sa bandang huli ng awit at nakakanta siya ng ilang magandang nota. Pumito si Lando mula sa tabi ng entablado at sinuntok niya ang kanyang kamao sa hangin nang maraming beses. Pero maligamgam lang ang palakpakan pagkatapos kumanta ni Leo.

Nagmadaling lumayas sa entablado si Leo. Naiiyak na siya nang lumapit sina Ramil, Lando, Gil at iba pang kasama para batiin siya at kumasa sa kanyang kamay. Alam ni Leo na siya’y pumalpak na naman. Nagdahilan siya na masakit ang kanyang ulo. Umalis siya sa perya nang mag-isa para umuwi sa palahian.

Nayamot si Leo sa pag-ihip ng amihan sa kalsada. Gininaw siya sa hangin at ginulo nito ang kanyang buhok. Tumindi ang kanyang kalungkutan dahil sa unti-unting nawawalang ingay mula sa perya. Tumulo ang luha sa kanyang pisngi, habang dahan-dahan siyang naglakad nang pauwi sa madidilim na kalsada.

Pumuputak nang malakas ang isang panabong sa kanyang kulungan pagdating ni Leo sa gayt ng palahian. Nagtaka siya kung papaano natuklasan ng panabong ang kanyang kahihiyan. May kumalabog pagdating niya sa daanang papunta sa kanilang tirahan; lumingon siya’t nakita niyang may nahulog na niyog. Nanghinayang siya na hindi pa lumagpak ang niyog sa kanyang ulo, para tapusin na ang kanyang pighati.

Nagpasiya siyang umalis sa palahian – sasabihin niya ito kay Bos Oscar kinabukasan. Pupunta siya sa Gapan para maghanap ng trabaho. Baka matulungan siya ni Benjie, isang tagapag-alagang nakilala niya sa sabungan ng San Rafael. Mag-uumpisa siya uli.

At sa susunod, hindi na siya papayag na ilaban siya ng patayan na parang isang hamak na panabong.

Mula sa Ang Musika ng Gabi at Iba Pang Istorya ni Antonio A. Hidalgo (Milflores, 2002).

Ang bersiyon ng istoryang ito sa Ingles ay nagwagi ng Runner-Up prize sa 2000 NVM Gonzalez Literary Awards.

Posted on November 23, 2008