Mga Gunitang Astig sa Panulat
ni Quinia Jenica E. Ranjo
ANO NAMAN kayang klaseng “kaastigan” ang nilalaman ng panibagong akda ni Vlad Gonzales, isang propesor ng Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, sa kanyang librong “Isang Napakalaking Kaastigan” (Milflores Publishing, Inc., 2008) na kasing-nipis at liit lang ng isang kuwaderno?
Sa unang tingin pa lang, mapapansin ang “astig” na disenyo ng pabalat nitong akmang-akma para sa mga mambabasang interisado sa mga bagay na may kinalaman sa pagka-astig, o ‘di kaya’y gustong maging astig. Sa pamamagitan ng kumbinasyon ng imahinasyon at katotohanan, tunay na naipakita ni Gonzales ang kakaiba, nakakamangha at “astig” na mga perspektibong hango sa pang-araw-araw na pamumuhay gamit ang pamamaraan ng pagsulat ng blog na maihahalintulad sa estilo ni Bob Ong.
Ngunit sa pagbabasa ng akdang ito, mapapatunayang mayroon namang sariling daloy ng paglalahad ng kuwento si Gonzales kung saan pinaghahalo niya ang katha at sariling karanasan. Ito’y maihahalintulad sa sinabi niya tungkol sa cultural poetics. “Mag-uumpisa ka sa isang pangyayari, madalas ay nakaugat sa pisikal na mundo, pagkatapos ay iuugnay ito sa isa pang teksto, at itutuhog pa uli sa iba pang kultural na teksto.”
Mula sa kanyang mga karanasan at alaala, lumilikha siya ng mga kuwentong tunay namang makapagpapasakit ng tiyan ng mga mambabasa sa katatawa, lalung-lalo na sa mga naabutan pa ang pagsikat ni Alice Dixon at ng Topical Hut, ang mga sinehang wala pa sa mga malls, at ang youth-oriented show na TGIS. Tunay din namang maliligayahan ang mga mambabasa ng kasalukuyang henerasyon sa sandamakmak na mga kuwentong napapanahon at nakapagbabalik ng mga nakatutuwang alaala.
Kabilang dito ang kuwento ni Gonzales tungkol sa karanasan ng isang “solid” na barkada. Hinango niya ang buhay ng mga hayskul na karakter ng istorya mula sa isang MTV-type scene na saliw sa kantang “Torpedo” ng Eraserheads. Sa kuwentong ito rin nakapaloob ang isa pang kuwentong makapagpapaalala sa mga kalalakihan ng “kaastigan” ng pagpapatuli, kung saan magbubuklod-buklod ang mga kabataang nasa elementarya upang magpakitaan ng ebidensya ng kanilang pagbibinata.
Hindi rin mawawala sa koleksiyong ito ang mga istoryang ka-macho-han, gaya na lamang sa Kuwentong Military Science Part 1, at Part 2, kung saan inilahad ni Gonzales ang kanyang mga alaala noong siya’y sumali sa ROTC. Dito’y ipinakita niya kung paano ang mga makikisig at hinahangaang mga officer na kung makapagbigay ng mga utos ay parang Diyos na ‘di maaaring suwayin ay nagmamakaawa rin pala sa kanilang mga propesor dahil sa pagkakaroon ng mga gradong “singko.”
Hindi rin naman puro katatawanan ang laman ng munting koleksiyon ni Gonzales. May ilang sanaysay na seryoso ang tema ngunit “astig” pa ring maituturing, gaya ng kabanatang Mga Pamilyar na Kuwento, kung saan isinasalaysay ng may-akda ang mga pag-aaway ng mga miyembro ng kanyang pamilya. Nariyan ang hindi pagkakaunawaan ng kanyang mga magulang na nauuwi sa habulan sa kalsada, sigawan, at “batuhan ng magulang,” na kadalasa’y nag-uugat sa mga mabababaw na dahilan katulad noong sinabihan ng kanyang tatay ang kanyang nanay na “Nililigawan ka ng lesbyanang ‘yan!” nang minsang lumabas sila kasama ng isang tiyahin at ang karelasyon nitong babae. Ganoon rin naman ang mga salaysay sa sumunod na kabanatang Mga Kuwentong Pamilyar.
Ayon kay Gonzales, “same old, same old” lang ang mga problema ng kanyang pamilya na maaaring naranasan na rin ng ibang pamilya.
Sa unang tingin, aakalain ng mambabasa na walang gaanong mapapala sa librong ito dahil higit na madaling ituring na literal ang lahat ng mga superpisyal na salaysay na nilalaman nito. Ngunit kapag inintindi at sinuri ito sa mas malalim na lebel, tiyak na hindi lamang iisang “kaastigan” na puro tungkol sa pagiging dominante ng kalalakihan ang mapagninilayan ng mga mambabasa.
Ang bawat sanaysay ay puno rin ng mga katatawanan, na isinama ni Gonzales upang panatilihing magaan ang daloy ng mga kuwento, habang unti-unting inilalahad sa mga mambabasa ang kabigatan ng mga temang nakapaloob sa bawat maikling sanaysay.
Ang salitang “astig” ay tunay ngang may malawak na sakop. Hindi eksakto ang ibig-sabihin. Nakadepende na lamang ito sa gagamit ng salita. Sa puntong ito, si Gonzales na mismo ang umamin na hindi niya naman talaga alam ang ibig sabihin ng salitang “astig.” Tumpak siya nang sinabi niyang, “Ang talagang pinakaastig naman ay ang pagsusulat mismo.”
Basta’t may alaala’t matibay na memorya, kahit sino’y puwedeng maging manunulat.
Posted on December 4, 2008